Mapayapang Pagtutol (Part 1)

SA isang iglap bumalik ang ilang imahe ng 2028—ang taon sa kasaysayan kung kailan gumuho ang mga istruktura ng paniniil sa kabukiran sa buong kapuluan.

Mga imahe ng mga sundalo, mga sandatang nagsilakihan at bulaklak…

Malayo na ang tinakbo ng panahon. Sa nakalipas na mga dekada, marami nang nagbago sa bukid at maging sa mga karatig-bukid. Ngunit sadyang mapaglaro talaga ang tadhana—’ika nga, nauulit ang kasaysayan.

Nagsimulang magparamdam ang anino ng kasaysayan nang dumating ang pulupulutong na “daneyo” sa harap ng arkong lagusan. Sila ang mga armadong mersenaryo na inupahan para bantayan ang buong hacienda.

Ilang taon na ring namahinga si Ka Carding. Nakailang palit na rin ng tagapangasiwa ang hacienda mula nang mamaalam ang ganid at malupit na matanda. Makailang ulit na ring nagbago ang mga patakaran, at sa halip na mapabuti ang buhay ng mga alagang hayop sa batawan, ay higit pang bumigat.

Nasaksihan lahat ito ng mga nakatatandang hayop sa bukid—at ang mga kwento’t patotoo ay nagpasalin-salin sa mga henerasyon ng kawan.

Mula noong mamayapa si Ka Carding, higit pang lumala ang sitwasyon sa hacienda dahil sa alitan ng mga kaanak na umaasang mapapasakanila ang iniwang malawak na bukirin ng matanda.

Walang anak si Ka Carding. Tanging ang dalawang anak-anakan lamang nito ang inaasahang sasalo sa naiwang mga ari-arian, at anupaman ang natitirang mga naipundar at pinamuhunanan—kasama na roon ang mga naiwang utang na babayaran.

Kilala ng mga hayop sa bukid ang mga anak-anakan ng kanilang amo.

Si Bito ang tsinitong bata na marangyang nag-aral sa Inglatera at lumaking sunod lahat ng luho at layaw sa buhay. Sa kabila ng pagiging paborito ni Ka Carding, ni hindi ito nagpakita sa burol hanggang sa mailibing ang kanyang tatay-tatayan. Maamo ang mukha pero tulad ng matanda, ito ay tuso, balasubas at matapobre.

Ang isa ay ang nakakabatang anak-anakan ng matanda, si Hiraya. Kabaligtaran sa mga katangian ni Bito, ito ay magiliw, maimis at madamayin. Kailan lang din itong nakatuntong sa hacienda mula nang lumiwas ito para mag-aral sa Maynila. Dahil babae siya, malayo ang loob ng matanda sa kanya. Bumalik lamang ito sa hacienda noong mahina na at may iniinda nang karamdaman si Ka Carding.

Nasa hacienda ang dalawang ampon na magkaiba ang layon. Nais ni Bito na tuluyan nang ibenta ang iniwang mga ari-arian ng matanda, at isangla ang bukid sa isang negosyanteng Tsino; samantalang nais naman ni Hiraya na isaayos ang lahat ng naiwan ng matanda, bayaran ang mga pagkakautang nito, matuwid na pangasiwaan ang bukid, at bigyan ng magandang masisilungang kamalig ang mga alagang hayop.

Mula nang dumating si Bito sa hacienda, naging permanenteng tanawin na ang iba’t ibang laki at hugis ng sandatang dala ng mga daneyo.

Sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng mga mersenaryo sa loob at labas ng bukid, nakarating sa kawan ang balitang balak ibenta ni Bito ang hacienda kabilang ang lahat ng hayop.

Nagusap-usap ang mga hayop sa bukid at napagpasyahan nilang pakiusapan ang kanilang bagong amo na kung maaari ay huwag na itong ibenta o isangla, manapa’y ipaubaya na lamang ang pamamahala nito kay Hiraya.

“Dahil na rin sa inyong pakiusap, nakapagpasya na akong manatili muna rito at subukang ayusin ang mga bagay para sa kapakanan ng lahat,” tugon ni Bito kaharap ang buong kawan. “Ngunit ikinalulungkot kong hindi ko kayo mapagbibigyan na gawing tagapangasiwa si Hiraya.”

Tulad din ng tatay-tatayan nito, alam nilang may pagkabalasubas si Bito, pero kahit paano ay masaya silang isinantabi na nito ang planong ibenta ang hacienda.

Lumipas ang mga araw, mas lalo pang dumami ang mga daneyo. Ang pulutong ay naging hukbo, at ang hukbo ay naging simbolo ng karahasan. Dahil may sandatang tangan ang mga daneyo, ang mga hayop ay walang magawa dahil na rin sa takot at piniling manahimik na lamang.

Malupit at abusado ang mga daneyo. Malaya silang pumili ng anumang hayop na nais nilang katayin o ibenta sa ibayo nang palihim.

Sa loob ng ilang buwan ay lumaki ang kinikita ng hacienda, at halos lahat ng hayop ay nagsitabaan sa dami ng pakain na kanilang tinatanggap. Pero pansamantala lamang ang kanilang masaganang buhay.

Kalaunan mas lalong naging mahirap ang buhay sa bukid. Anuman ang kinitang benta ng hacienda ay nagsisilbing panustos sa mga bisyo ni Bito.

Kung kaya lumikha ang mga hayop ng paraan para makapag-usap-usap sila nang patago malayo sa mga mata at tainga ng mga daneyo.

“Mga kasama, hindi na tama itong mga nangyayari sa loob ng hacienda,” pabulong na sabi ng aso sa Konseho, “tila mas yumaman ang bukid nang hindi tayo nabiyayaan o nakinabang man lamang—maliban kay Bito, sa mga unggoy at sa mga daneyo.”

Di natiis ng pusa na hindi magsalita: “Bakit tayo pumapayag na tratuhin ng ganito ni Bito at ng mga daneyo?—dahil halos lahat ng ani na ating pinaghirapan ay ninakaw sa atin ng mga dayo. Bakit nga ba tayo nandirito sa ganitong kahabag-habag na kalagayan?

At maluha-luhang nagsalita rin ang kalapati: “Ang aking ipinagtataka ay kung bakit walang nangahas magsalita o magbigay ng opinyon noong mga panahong umiikot ang malulupit na daneyo kasama ang mababangis na alaga nilang soro. Nanatili kayong mga miron at tagamasid habang ang inyong mga kasamang hayop sa bukid ay inaabuso, hinahagupit, ipinagbibili at pinagpira-piraso.”

“Hindi ito ang panahon upang magsisihan. Sino nga ba ang ating kaaway? Si Bito ba o ang mga daneyo? Ang ating amo o ang mga mersenaryo?” ang tanong ng aso.

(Abangan ang ikalawang kabanata bukas)


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.

Si Bito ay gumamit ng lakas sa pamamagitan ng puwersa—sa pamamagitan paniniil gamit ang sandata. Sundin ang iyong konsensya at katwiran, marapat lamang na suwayin ang batas sa moral na batayan sa halip na maging isang sunod-sunuran sa isang hindi makatarungang sistema.