Ang Tore at ang Palaka

NOONG unang panahon, mayroong isang grupo ng maliliit na palaka ang naanyayahang lumahok sa isang paligsahan sa pagtakbo malapit sa lawa kung saan sila naninirahan.

Ang layunin ng kompetisyon ay maabot ang tuktok ng isang napakataas na tore.

Ang isang malaking pulutong ay nagtipon sa paligid ng tore upang makita ang karera at palakpakan ang mga kalahok.

At nagsimula na ang karera…

Maraming nagdududa sa kakayahan ng mga maliliit na palaka. Walang sinuman sa mga naroroong nanonood ang naniniwala na ang mga maliliit na palaka ay makakarating sa tuktok ng tore.

Ang karamihan ay gumawa ng mga komento tulad ng:  

“Imposible!”  

“Naku, tingnan natin kung may lakas pa ang mga palakang yan tapusin ang karera. Mahihirapan silang lahat na akyatin ang tore.”  

“Tsk, tsk, tsk… walang pag-asa ang mga ‘yan!””Totoo yan. Hinding-hindi sila aabot sa tuktok.” 

“Wala ang mga ‘yan ni katiting na pag-asa. Ipupusta ko ang tatlong tasa kong mais kung magtatagumpay sila.”

“Hindi pa ako nakakakita ng palakang kayang tumakbo at umakyat. Masyadong mataas ang tore!”

Habang nagpapatuloy ang karera, ilang maliliit na palaka ay nagsimulang bumagsak nang paisa-isa, maliban sa mga ilang bata at makikisig na palakang masigasig na umakyat ng tore—tuloy-tuloy, pataas ng pataas.

Ang karamihan ng nanonood ay patuloy na sumigaw: “‘Wag na kayong tumuloy. Malayo pa ang kailanganninyong takbuhin at akyatin. Walang makakarating sa inyong mga palaka!”

At nangyari na nga ang inaasahan—maraming mga maliliit na palaka ang napagod at sumuko. Ngunit ang isa sa kanila ay nagpatuloy sa pagtakbo at pag-akyat ng mas mataas, at mas mataas, at mas mataas…

Maraming nagtaka kung bakit may isang palakang ayaw paawat at patuloy na tumatakbo sa kabila ng mga sigaw at mga paninirang-loob.

“Ibang klase ang isang palakang ito—ang lakas ng loob. Tila ayaw sumuko,” komento ng isa sa mga manonood.


Hindi naglaon, halos lahat ng kalahok sa paligsahan ay sumuko na sa pagtakbo’t pag-akyat sa tore. 

Lahat ay sumuko maliban sa isang maliit na palaka ang tanging nakarating sa tuktok.

Ang mga palaka ay nagpalakpakan at nagkakagulo sa tuwa. 

Nang bumaba ang maliit na palaka, lahat sila ay nagtipon sa paligid nito.

Maraming nagtataka kung bakit may isang palakang nakarating sa tuktok. ‘Di lubos maisip ng karamihan kung paano nagawa ng palaka na makarating sa tore.

“Bakit may isang palakang nitira sa paligsahan?”

“Ano ang kanyang sikreto?”

Tinanong ng isang kalahok ang maliit na palaka kung paano ito nakahanap ng lakas at nagtagumpay upang maabot ang layuning marating ang tore.

Hindi ito sumagot sa mga tanong sa kanya.

Huli na nang malaman ng mga nanonood na ang nanalo ay isang binging palaka.

Huwag panghihinaan ng loob dahil lamang sa mga komento at opinyon ng iba.

Hihilahin ka nila pababa sa pamamagitan ng kanilang mga iniisip at ‘di magagandang salita.

Sa buhay, maging bingi-bingihan sa mga taong nagsasabing hindi mo kayang abutin ang iyong mga layunin at pangarap.

Maging bingi sa mga negatibong bagay na sinasambit ng iba. 

Mag-bingi-bingihan sa ibang hindi kailanman bibigyan ng pagkakataong abutin ang iyong mga pangarap sa buhay.

Mag-bingi-bingihan sa mga taong nagsasabing hindi mo kayang sumulong at umakyat ng mataas.

Mag-bingi-bingihan sa mga nagsasabing ang iyong pangarap ay walang mahihita.

Mag-bingi-bingihan ka sa mga nagsasabing hindi ka aabot sa tuktok.

Mag-bingi-bingihan sa mga ganitong uri ng nilalang.

***
PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. 

Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Ang aral sa pabulang ito: Pakinggan ang iyong puso—dahil hindi ito magtuturo sa iyo sa maling direksyonsa buhay