Noong unang panahon, may tatlong halimaw na naghahari sa tatlong pinakamayaman at pinaka-makapangyarihang kaharian sa mundo ng mga hayop.
Ito ang Kaharian ng Kalingga sa Asya, na pinamumunuan ng isang higanteng buwaya; ang Partaso sa hilagang kontinente, na pinamumunuan ng isang napakagahamang lobo, at; ang Atika sa Gitnang Silangan, na siya namang pinaghaharian ng ganid na buwitre.
Dahil ang tatlong kahariang ito ay napakamakapangyarihan, sila ang siyang nagtatakda at nangangasiwa sa mga kalakal ng mga maliliit at mahihirap na kaharian.
Kontrolado ng tatlong kahariang ito ang mga pinuno ng mga maliliit na kaharian, at ang sinumang lumihis at sumuway sa kanilang mga patakaran sa pangangalakal ay mayroong katapat na parusa.
Ang bawat kaharian ay may sari-sariling hukbo ng mga mababangis na daneyo. Kung kaya, mas gugustuhin pa ng mga maliliit na kaharian na sundin ang mga patakaran ng tatlong Halimaw at tumahimik na lamang, kaysa magdusa sa kamay ng mga walang pusong daneyo.
Sa kabila ng napakalawak na impluwensya ng tatlong Halimaw, may isang maliit na kaharian ang hindi nila makuhang pagharian. Ito ay dahil matapang at maprinsipyo ang pinuno nito.
Maliit lamang ang kaharian ng Maharlika ngunit ito’y hitik sa likas na yaman. Ang mga hayop sa buong kaharian ay sagana sa lahat at walang mahirap o mayaman.
Kung tutuusin—kung ihahambing sa yaman ng unang tatlo—ang Maharkika ay maituturing na pinakamayamang kaharian sa mundo dahil sa taglay nitong napakaraming langis at ginto.
Subalit, isang araw, ang pinuno ng Maharlika ay dinapuan ng pambihirang karamdaman, at nagpatuloy ang panghihina nito.
Kaya, sa pagtatapos ng tag-ulan, nag-usap-usap ang tatlong halimaw at nagkasundong kaibiganin ang susunod na pinuno ng kaharian.
Ang naging kasunduan, papayagan ng bagong pinuno ng Maharlika na magmina ng ginto at langis sa kabundukan at karagatan ng kaharian, kapalit ng dalawampung porsyento sa mga namina’t inaning likas-yaman.
At ‘di naglaon, namayagpag ang impluwensya ng tatlong halimaw sa kaharian ng Maharlika.
Subalit sa halip na maging maunlad ito, maraming nagtaka kung bakit naghihirap na ang kaharian. Naging mabigat ang buhay. Maraming mga negosyanteng hayop ang napilitang ibenta ang kanilang mga negosyo, at karamiha’y kailangan nang bumili ng kanilang pagkain na dati-rati’y sagana at libre.
Ang lahat ng tumutubong tanim sa lupa ay kailangang bilhin mula sa mga negosyong pag-aari ng kaharian ng Kalingga—gulay, prutas, halamang-gamot, at mga punong kahoy.
Ang langis na dati’y parang tubig sa balon, ay kailangan angkatin at bilhin sa Atika.
Naging patag na ang mga bundok dahil naubos na lahat ng ginto, at mga ginto’y dinala sa kaharian ng Partaso.
Mayroong isang kuwago ang naglakas-loob magsalita sa isang pulong tungkol sa mga nangyayaring katiwalian sa kaharian ng Maharlika.
“Ilang dekada pa lamang ang nakararaan, ang Maharlika ang pang-apat sa pinaka-malaking kahariang may langis sa mundo. Ngayon, ang Maharlika ay walang ni isang pag-aaring balon ng langis—at ang lahat ng langis ay pag-aari na ng mga Halimaw na Buwaya, Lobo at Buwitre na siyang dahilan ng paghihirap natin,” galit na pahayag ng kuwago.
“At anong klaseng kahangalan ang ating araw-araw na linulunok na lamang?” wika naman ng kuneho, “ilalabas ng mga halimaw ang langis ng Maharlika para raw iproseso ito, at muling ibabalik sa kaharian at ibebenta sa atin ng mas mahal.”
“Ang nakakapanibugho ay ang harap-harapang panlolokong ginagawa sa atin ng bagong pinuno ng kaharian. Suotan mo man ng mamahaling damit at alahas ang isang unggoy, ito ay unggoy pa rin,” susog ng isang kabayo na hindi naitago ang pagkadismaya sa bagong pinuno.
“Siyang tunay, mga kaibigan. Kung dati ay mayaman tayo sa ginto, ngayo’y wala na. Hinayaan ng unggoy na kunin ng mga Halimaw ang lahat ng ginto—at ang napakalungkot na balita, tayo’y wala nang pag-aaring ni isang butil,” ani ng kuwago.
Ipinaliwanag ng kuwago na ginto ang siyang pangunahing instrumentong ginagamit sa palitan ng pangangalakal.
Ani ng kuwago, ang pamantayang ginto ay isang sistema ng pananalapi kung saan ang pera ng isang kaharian ay may halaga na direktang nauugnay sa ginto. Sa pamantayang ginto, ang mga kahariang may tangan ng ginto ay sumang-ayon sa mga Halimaw na gumawa ng perang papel na nakapirmi sa halaga ng ginto.
“Tama ka, Tandang Kuwago! Kinaibigan ng Buwaya, Buwitre at Lobo ang mga kahariang may ginto dahil nais nilang kunin ang yaman nito. Batid nilang magiging makapangyarihan ang mga kahariang may ginto—at ‘di makakapayag ang mga Halimaw na ganoon ang mangyayari kaya inangkin nila ang lahat ng ginto,” pagsang-ayon ng pusa.
Alam ng lahat na pinaghati-hatian ng tatlong makapangyarihang kaharian ng Kalingga, Partaso at Atika ang lahat ng ginto sa buong mundo.
Dagdag ng kuwago, dahil ang tatlong kaharian ang gumagamit ng pamantayang ginto, sila rin ang siyang nagtatakda ng nakapirming presyo para sa ginto at bumibili, at dahil kontrolado nila ang mga namumuno, sila rin ang nagbenbenta ng ginto ayon sa gusto nilang presyo.
“Totoo ‘yan—binili nila ang ating mga ginto sa gusto nilang halaga, at tayo’y binayaran ng perang papel. Kinuha nila ang lahat ng ating ginto—at pinalitan iyon ng tone-toneladang papel. Papel kapalit ng ginto—tanga lamang ang papayag sa ganoong kasunduan!” sambit ng kabayo.
“Hindi pa riyan nagtatapos ang ating kalbaryo,” dagdag na wika ng kuwago, “ang mga perang papel na siyang binigay sa atin ay bumaba pa lalo ang halaga, at kailangan nating umangkat sa kanila ng langis at iba pang produkto sa napakataas na presyo. Mga Halimaw. Mga Manloloko!”
Sa kabila ng sinasabing mayaman sa langis at ginto ang Maharlika, walang bumabalik sa kaharian at sa mga residenteng hayop nito. Ang mga tao ay mahirap pa rin. Lalong lomobo ang utang ng kaharian, at walang pag-unlad na nasimulan o natuloy sa ilalim ng pamumuno ng mga nahirang unggoy.
May mga bagong hirang ng unggoy sa kaharian ng Maharlika, subalit ang kapangyarihan ng tatlong Halimaw pa rin ang nangingibabaw sa kanila.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Magpahanggang ngayon, ang tatlong Halimaw pa rin ang namamayagpag sa kaharian ng Maharlika. Kontrolado pa rin nila ang mga nailuklok na mga unggoy.
Dama ng mga hayop sa Maharlika ang kahirapan. Tahimik sa ngayon—ngunit patuloy ang pakikibaka.