NOONG unang panahon, sa Kaharian ng Beranya, may isang mahiwagang ibong nakilala bilang Adarna. Siya ay maganda at may napakakulay at napakalaking pakpak, ngunit higit sa lahat ay kilala siyang mabait at mapagbigay.
Ayon sa mga kuwento ng mga natulungan ng Ibong Adarna, ang mahiwagang ibon ay isang anghel mula sa langit na ipinadala ni Bathala sa lupa upang tulungan ang mga taong kumakaharap sa mga pagsubok sa buhay.
Isang araw, isang mahirap na mangingisda ang namamahinga sa kanyang maliit na bangkang kahoy sa isang lawa. Araw-araw siyang namamalakaya, at araw-araw sa buong buhay niya, isa o dalawang isda lamang ang kanyang nahuhuli.
Kanyang ibinebenta ang kanyang nahuli sa mga kapitbahay, at kadalasang kumikita lamang ng sapat para ipambili nila ng kanyang asawa ng tinapay. Masisipat sa kanyang mga mata na iginugol niya ang kanyang buong buhay sa pagsusumikap.
Sa araw ding iyon, may dalang liwanang ang bukang-liwayway at nakaramdam ang mangingisda ng kakaibang pag-asa. Ngunit hanggang kumulimlim ang langit at magtakipsilim, walang ni isang isdang nahuli ang matanda.
Habang papalubog ang araw, biglang nakarinig ang mangingisda ng isang pambihirang tinig mula sa ulap—at nang siya ay tumingala—siya’y namangha nang makita ang Ibong Adarna. Ang kanyang inakalang isang mito ay nasa kanyang harapan. At mas namangha ang matanda nang dumapo ang ibon sa bangka at nagsalita.
“Ngayong gabi ay magdadala ako sa iyo ng isang bagay na makatutulong sa iyo upang kumita, at bawat gabi mula ngayon, tutulungan kitang makahuli ng maraming isda.” At lumipad ang ibon hanggang sa abot nang matatanaw.
Isang gabi, nagising ang mangingisda sa tunog ng mga bagwis sa labas ng kanyang bahay. Tumakbo siya sa bintana, at sa liwanag ng kabilugan ng buwan ay nakita niya ang Ibong Adarna na may dalang napakalaking isda sa kanyang tuka. Pumagaspas ito ng malakas at ibinagsak ang malaking isda sa lupa.
Kinaumagahan ay hinati ng pira-piraso ng mangingisda ang malaking isda, at ang mga ito ay dinala niya sa pamilihan. Malaki ang kinita ng matanda noong araw na iyon kaysa sa kinita niya noong nakaraang buwan.
Mula noon, bago maghatinggabi, nagdadala ang Ibong Adarna ng iba’t ibang isda sa matandang mangingisda. Mula rin noon, naging maganda ang buhay ng mag-asawa, at hindi nagtagal ay nakapagpundar na sila ng ilang gamit sa bahay at sariling puwesto sa pamilihang-bayan. Tuwang-tuwa ang mag-asawa sa kanilang maalwang buhay at nagsimulang mangarap ng maraming bagay na kanilang bibilhin habang lumalaki ang kanilang ipon.
Isang araw, habang nasa palengke ang mangingisda ay narinig niyang sumisigaw ang Umalohokan—ang sugo’t tagapagdala ng balita ng Hari ng Beranya.
“Gagantimpalaan ng ating Haring Fernando ang sinumang makakahuli ng ibong Adarna!” sigaw ng Umalohokan.
“Ano’ng meron dito?” tanong ng mangingisda sa kanyang katabi. “Bakit gustong hulihin ng Hari ang ibongAdarna?”
“Ang Mahal na Reyna Valeriana ay unti-unting nabubulag, at tanging ang dumi ng ibong Adarna ang makapagliligtas sa kanya,” paliwanag nito sa matandang mangingisda. “Desperado ang Hari—maging ang kanilang tatlong anak na prinsipe,” dugtong nito.
Biglang nangamba ang mangingisda at nagsimulang bumulong sa kanyang sarili: “Iniligtas ako ng Ibong Adarna mula sa gutom, at hindi ko siya dapat ipagkanulo, ngunit ang gantimapalang ibibigay ng kaharian ay napakalaki, at mabibili ko ang aking minamahal na asawa ng anumang nais niya.”
At pagkatapos ay umiling ito at muling bumulong, “Hindi ko dapat ipagkanulo ang Ibong Adarna.” Palihim na lumayo ang mangingisda sa pulutong ng mga tao sa pamilihan.
Napansin ng Umalohokan na tila malalim ang iniisip ng matanda at pakiramdam niya’y may tinatagong lihim ito.
Kaya nagpasya ang Umalohokan na hulihin at kaladkarin ang mangingisda upang dalhin sa hari.
“Mahal na Hari. Alam ng matandang ito kung paano mahuhuli ang Ibong Adarna,” mayabang na sabi ng sugo.
“Kung gayon, ano pa ang iyong hinihintay, Matanda? Kailangan mong hulihin ang Ibong Adarna para mabawi ng Mahal na Reyna Valeriana ang kanyang paningin. Tiyak na hindi mo nais na magdusa ang iyong Reyna? Kung ang iyong Reyna ay magdurusa, ipinapangako kong lahat ng tao sa kaharian ay magdurusa rin.”
“Ngunit Mahal na Hari…,” pangangatwiran ng mangingisda, “imposibleng mahuli ang Ibong Adarna. Kakailanganin ng isang daang lalaki upang mahuli ang isang ibong napakalaki.”
“Kung gayon, bibigyan kita ng isang daang kawal upang tulungan ka!” pagtitiyak ng Hari.
“Ngunit Mahal na Haring Fernando…,” muling nangatwiran ang mangingisda, “napakatalino ng Adarna—hindi siya lumalapag sa lupa. Ang sinumang makarinig ng kanyang tinig ay nabibighani’t napapaamo. Kailangan ng tusong tao upang mahuli ang mahiwagang ibon.”
“Kung gayon, gamitin mo ang iyong pagkatuso” sabi ng hari sa mangingisda, “—o kung hindi, ay parurusahan kita at ang lahat ng mga tao sa kaharian.”
At umuwi ang mangingisda kasama ang 100 kawal, at nang sabihin niya sa kanyang asawa na dapat nilang hulihin ang mahiwagang ibon, napangiti ang babae dahil alam niya kung paano mahihikayat ang Adarna na lumapag sa lupa.
“Maghahanda ako ng isang malaking piging, at aanyayahan mo ang Adarna na saluhan tayo bilang pasasalamat sa kanyang kabutihan,” sabi ng asawa.
Nang gabing iyon, nagtago ang daang kawal sa likod ng mga puno, sa ilalim ng mga palumpong, sa likod ng mga bato at saanman sila makakapagkubli, habang hinihintay ang pagdating ng mahiwagang ibon.
At nang dumating ang hatinggabi, naging maingay ang lagaslas ng tubig sa lawa sa lakas ng hangin dala ng mga bagwis ng ibon. Agad na inilabas ng mag-asawa ang isang malaking bandehado ng pagkain sa bakuran, at tinawag nila ang Adarna. “Halika, pagsaluhan natin ang aming inihandang piging,” paanyaya nila sa ibon.
Umikot ang Ibong Adarna sa kalangitan. “Bakit kayo naghanda ng piging ngayong gabi?” tanong ng ibon.
“Nais naming magpasalamat sa iyo,” sabay sigaw ng mag-asawa habang patuloy na lumilipad ang Adarna.
“Ngunit bakit ngayong gabi? At bakit ngayon lang ninyong naisipang suklian ang aking tulong makalipas ang ilang taon? Ano ba ang inyong napagnilayan para maging karapatdapat akong inyong anyayahan sa gabing ito?” tanong ng Ibong Adarna na may halong pagdududa.
Ang mangingisda—na tuluyan nang kinain ng kanyang ambisyong makuha ang malaking gantimpala mula sa hari—ay patampong nagsalita: “Bakit mo kailangang paghinalaan ang iyong kaibigan?”
Nang marinig ito ng Ibong Adarna, nakaramdam ito ng hiya sa sarili, at lumipad pababa sa lupa at dumapo sa tabi ng mangingisda. Sa sandaling lumapag ang mahiwagang ibon, mabilis na inabot at hinawakan ng mangingisda ang mga paa at sumigaw, “Bilis, hawak ko na ang Adarna!” At tumalon ang isang daang kawal at sumugod sa ibon.
Ngunit ibinuka lamang ng Ibong Adarna ang kanyang malalaking pakpak at umangat sa hangin, kasama ang mangingisda na nakabitin sa kanyang mga paa.
“Saklolo! Saklolo! Tulungan n’yo ako,” ang sigaw ng mangingisda, at ilang mga kawal ay tumalon—hinawakan at hinila pababa ang mga paa ng matanda, ngunit nagsimulang umangat sa hangin ang ibon.
Habang papalipad, hinabol ng ilang kawal ang Adarna at inabot ang nakalambiting paa ng unang kawal, at pagkatapos ay mayroong humabol pa—at isa pa—hanggang sa dinala ng mahiwagang ibon ang dose-dosenang kawal, pataas nang pataas sa alapaap.
Biglang tumingin pababa ang unang kawal at napagtanto nito na hindi na niya nakikita ang lupa. Nanginig ito sa takot. Binitawan niya ang kanyang pagkakahawak sa matanda, at siya at ang lahat ng mga kawal na sumunod sa kanya ay bumagsak sa lupa.
Ngunit ang Ibong Adarna at ang mangingisda ay lumipad nang pataas, nang pataas at mas mataas pa.
Mula noon, nagpakalayo sa mga tao ang mahiwagang ibon—at tuluyan nang nabulag si Reyna Valeriana, at hindi naglaon, dinapuan na rin ng matinding karamdaman si Haring Fernando.
Ilang taon na hinanap ng magkakapatid na prinsipe ang Ibong Adarna dahil ang kahanga-hangang awit ng ibon ang siyang tanging makapagpapagaling sa misteryosong sakit ng Hari.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Dahil sa kasakiman ng tao sa mundo, nagpakalayo-layo ang Ibong Adarna—at hindi na nakitang muli ang mangingisda. Napag-alaman din na bali-bali’t durog-durog ang mga buto ng isang daang kawal.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]