SA kagubatan ng Sierra Madre, may isang hamak at mahirap na Mangangahoy ang nakaramdam ng pagod matapos mamutol ng ilang puno. Naghanap siya ng lugar na may lilim at doon nagpahinga ng sandali.
Sa mga sandaling iyon, may isang munting ibon na lumipad sa paligid ay nagkataon na nakita nitong nagpapahinga ang mangangahoy. Nalungkot at nahabag ito sa kalagayan ng lalaki.
“Kailangan ko siyang tulungan,” sabi ng ibon sa kanyang sarili, at dumapo ito sa tabi ng mangangahoy.
Habang ang Mangangahoy ay nakatulog, ang munting ibon ay lumapit sa lalaki at doon nangitlog ng isang gintong itlog at pagkaraan ng ilang sandali ay lumipad ito palayo.
Nang magising ang Mangangahoy, nagulat siya nang mapansin niya ang isang gintong itlog sa kanyang tabi. Mabilis niya itong kinuha at isinilid sa kanyang bulsa. Pagkatapos ay tinipon niya ang mga trosong kanyang tinadtad at dinala ang mga kahoy sa isang mangangalakal na kanyang karaniwang ibinebenta ang mga bigkis.
“Nagdadala ka ng malalaking bigkis araw-araw, ngunit tila kakaunti lamang ang dala mong kahoy ngayong araw, Kaibigan?” tanong ng Mangangalakal. “Mayroong ka bang dinaramdam ngayon?”
Ikinuwento sa kanya ng Mangangahoy kung paano siya nakatulog at natagpuan ang gintong itlog nang magising siya.
Ang Mangangalakal—isang tusong tao—ay hinikayat ang mangangahoy na ipagpalit ang itlog sa isang gintong barya. Tinanggap ng inosenteng mangangahoy ang alok ng mangangalakal. Sinabi rin sa kanya ng Mangangalakal na kung madadala niya ang ibong nangingitlog ng gintong itlog, siya ay bibigyan nito ng limang gintong barya. Nangako na dadalhin ang ibon, nagpasyang umuwi muna ang Mangangahoy.
Kinabukasan, pumunta siya sa mismong lilim ng puno kung saan niya nakita ang gintong itlog at doon muli naupo. Nagkunwaring natutulog, at makalipas ang ilang sandali, dumating muli ang munting ibon at dumapo sa tabi niya.
Maya-maya lang, bumalikwas ang Mangangahoy at sinunggaban ang ibon. “Ngayon ay ibebenta kita kapalit ng limang gintong barya! Tiyak na matutuwa ang aking kaibigang Mangangalakal,” ngumingising sabi ng Mangangahoy.
Nagulat ang ibon sa bilis ng pangyayari at nagsalita: “Ngunit ang isang gintong itlog ay isang daang beses na mas mahalaga kaysa sa limang gintong barya, hindi mo ba alam iyon? Niloko ka ng Mangangalakal!”
Napagtanto ng Mangangahoy ang kanyang pagkakamali. “Paumanhin Kaibigang Ibon kung naging sakim ako at sinaktan kita,” buong-buong paghingi ng tawad ng Mangangahoy.
Ngunit bigla na lamang nahulog at bumagsak ang ibon sa lupa. “Malapit na ang aking wakas,” daing ng ibon, “Nagmula ako sa pamilya ng mga Mahiwagang Ibon. Nagdadala kami ng kapalaran sa mga tao, ngunit kami ay nakatakdang mamatay kung sakaling mahuli ng mga tao.”
Narinig ito ng Mangangahoy at umiyak. “Mayroon bang anumang paraan upang matulungan kita?” tanong niya sa munting ibon.
Salaysay ng ibon: “Kapag ako ay namatay, bunutin mo ang nag-iisang gintong balahibo sa aking tagiliran. Hatiin mo ito sa dalawa. Ilagay mo ang kalahati malapit sa apoy. Hintayin mong maupos ang balahibo at ikaw ay ihahatid ng usok sa aming tahanan. Ibigay mo ang kalahiti ng aking balahibo sa aking pamilya at ikuwento mo sa kanila ang totoong nangyari.”
Pagkasabi nito, namatay ang Mahiwagang Ibon.
Ginawa ng Mangangahoy ang iniutos sa kanya ng Mahiwagang Ibon.
Sa isang iglap, natagpuan niya ang kanyang sarili sa gitna ng pamilya ng Mahiwagang Ibon. Ipinakita niya sa kanila ang kalahating balahibo at isinalaysay ang buong pangyayari sa kanila.
“Huh, kailangan nating kumilos nang mabilis!” sabi ng Amang Ibon. Ibinaon niya ang kapirasong balahibo ng kanyang supling sa lupa at nagsimulang mag-orasyon. Pagkatapos ng ilang minuto, hinawakan ni Amang Ibon ang balahibo. At sa isang iglap, ang walang buhay na katawan ng Mahiwagang Ibon ay biglang lumitaw sa kanilang harapan.
Ang Inang Ibon at ang iba pang kapatid ng Mahiwagang Ibon ay nagdala ng ilang berdeng dahon at kamangyan at ipinasok ang mga ito sa tuka ng walang buhay na ibon. Hindi nagtagal, huminga ng malalim ang Mahiwagang Ibon at unti-unting nagbukas ang kanyang mga mata.
Tuwang-tuwa ang Mangangahoy nang makitang nabuhay muli ang munting ibon.
Pagkatapos ay nagsalita ang Mahiwagang Ibon, “Ang kapalaran ay lumilitaw at nawawala; at gayun din kaming mga ibon. Ngunit hindi kami nananatili sa mga taong makasarili at sakim.”
Umiiyak at humingi ng tawad ang Mangangahoy: “Paumanhin sa iyo… Nawala ka’t namatay dahil sa aking katangahan at kasakiman!”
“Huwag kang masiraan ng loob, Kaibigan!” ani ng Mahiwagang Ibon. “Tinulungan mo ako, kaya muli akong babalik sa iyo balang araw. Ngunit kailangan mong maghintay sa pagdating ng panahon na iyon.”
Inuusig man ng kanyang konsensya, umuwi ang Mangangahoy na may dalang bigat sa puso—ngunit umaasang muling babalik at magpapakita sa kanya isang araw ang Mahiwagang Ibon.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Sa panahon ngayon, ang mga tao ay sadyang naging gahaman—ibebenta nila pati ang kanilang mga kaluluwa—kapalit ng kaunting salapi o katanyagan. Isinasapanganib ng tao ang lahat para lamang matugunan ang kanyang mga paghahangad. Ginagawang bulag at hangal ng kasakiman ang isang tao, at nilalason nito ang kanyang kaluluwa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]