Ang Kwento ng Dalawang Palaka

SA malawak na latian ng Candaba, may dalawang magkaibigang palaka.

Magkasama sila mula pagkabata at sabay lumaki sa lusak—ang isa ay mataba, ang isa nama’y payat. Magkaiba man ang hugis ng kanilang mga katawan, tila sila’y sukat na sukat sa pinagbiyak na langka.

Laging naghahanap ng mga mahihirap na hamon at mga bagong karanasan sa buhay, ang dalawa’y nagpasyang tumungo sa kapatagan. Sa kanilang patalon-talong paglalakbay, bigla silang may nakitang isang malaking timba sa harap ng isang kuwadra.

Dahil likas na mausisa, lumapit ang magkaibigang palaka sa timba upang alamin ang laman nito.

“Kokak, kokak—Payat, ano sa palagay mo ang laman ng baldeng yan?” tanong ng matabang palaka.

“Kokak, kokak, ‘di natin malalaman kung maghuhulaan lang tayo, kokak, kokak,” sagot ng payat na palaka.

“Kung gayon, tara, tingnan natin!” pagbuyo ng matabang palaka sa kanyang kaibigan.

Dahil ang timba ay may kalakihan ngunit ‘di naman ito kataasan, nagpasya ang dalawa na lundagin ang timba para makita kung ano ang nasa loob nito.

“Handa ka na ba?” tanong ng payat na palaka sa kaibigan.

“Kanina pa nga akong sabik na pumasok sa balde—kokak, kokak!” pagyayabang ng matabang palaka.

“Sige tara!” ani ng payat.

At sabay lumundag ang dalawa.

Nang nasa loob na sila ng timba, doon lamang nila nalaman na puno pala ito ng gatas. At nang sinusubukan nilang lumabas, nahirapan silang umakyat at tumalon dahil masyadong madulas ang mga gilid nito. Kaya nagpasya na lamang silang lumangoy at magpalutang-lutang sa loob ng malaking timba.

At sila ay lumangoy nang lumangoy nang lumangoy… ngunit hindi pa rin sila makalabas at makaahon.

“Diyaske, kailangan pa ba nating ituloy ang paglangoy?” pauyam na singhal ng matabang palaka.

Makalipas ang ilang oras, hindi pa rin makuhang makalabas ng dalawang magkaibigan.

“Kokak, kokak! Ang tagal na nating lumalangoy. Pagal na ang aking mga paa, at wala nang silbi ang maghintay ng tutulong sa atin. Kung magpapatuloy lang tayo ng kakalangoy, tayo’y mapapagod lamang, at mapapahamak. Tiyak na mamamatay tayo. Walang katuturan ang ilang oras na ating nilangoy. Walang darating para iligtas tayo, at hindi aabot sa latian ang ating mga sigaw para tayo ay iligtas,” reklamo ng matabang palaka.

“Sandali, kaibigan ko. Ipagpatuloy mo lamang ang pagsagwan. Maghintay pa tayo ng ilang oras. Hangga’t hindi tayo sumusuko, hindi tayo malulunod, at hindi tayo basta-basta mamamatay,” pagkumbinsi ng kaibigang payat.

At nagpatuloy sila sa paglangoy ng ilang oras pa.

Habang papalubog ang araw, ang matabang palaka ay nagsabi: “Pagod na ako. Hindi ko na kayang magpatuloy. Sadyang matigas ang iyong ulo, Kaibigan, dahil wala nang saysay ang lumangoy nang lumangoy dahil malulunod pa rin tayo sa gatas. Ano pa ang silbi ng paglalangoy ng ilang oras. Ayoko na.”

“‘Wag kang mawawalan ng loob, Kaibigan. Nakikiusap ako sa iyo—ituloy natin ang paglalangoy!” muling pagsusumamo ng payat na palaka sa kaibigan.

At huminto sa paglangoy ang matabang palaka hanggang sa unti-unti itong lumubog sa ilalim ng timba.

Gumuho ang mundo ng payat na palaka. Nawalan siya ng matalik na kaibigan. Hindi niya napigilan ang kanyang mga luha—ngunit naging mas determinado kaysa sa dati—nagsimula siyang magtampisaw nang mas mabilis, at mas mabilis, at mas mabilis para matabunan ng manhid ang kirot na dulot ng pagkawala ng kanyang kaibigan.

“Kokak, kokak! Kailangan kong mabuhay. Kailangan kong mabuhay para sa pamilya ko at sa pamilya ng aking kaibigan,” sambit ng payat na palaka sa kanyang sarili.

At nang dumating ang hatinggabi, napansin ng payat na palaka na naging mantikilya ang gatas dahil sa sobrang tagal niyang nagtampisaw. Madulas pa rin ang paligid ng timba, maging ang nilalanguyan niyang mantikilya. Ngunit mas matigas na ito kumpara noong lumalangoy siya sa gatas. At sa wakas, nakaahon siya at nakalabas ng timba.

“Kokak, kokak—ligtas na ako!” masayang sigaw ng payat na palaka.

Matapos magpahinga, tumalon ito pabalik sa latian, at napaisip: “Buhay ako. Nagawa kong makalabas mula sa balde ng gatas.”

Ngunit alam niyang may halong bigat at kurot sa puso ang kanyang sinabi. Buhay nga siya, ngunit nawalan naman siya ng matalik na kaibigan. Kung nagtiyaga lang kahit ng konting panahon ang matabang kaibigan, disin sana’y buhay pa ito.

Sa mga sandaling tila hindi na natin kayang magpatuloy pa, at mas nanaisin na lamang na sumuko’t magpaubaya, natitiyak na ang ating pagkabigo. Sa buhay, ang sumuko ang siyang talo.

Ang payat na palaka ay bumangon laban sa mga hamon sa buhay. Hindi siya nawalan ng pag-asa—dahil ang pinakamatinding kahinaan natin ay kapag hinayaan nating manaig ang ating karupukan at tuluyan mawalan ng dahilan na magpatuloy na mabuhay.

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, isang palaka lamang ang namaalam sa pagsulat ng artikulong ito.