SA Kaharian ng Maharlika, may isang leon ang katatalaga pa lamang bilang hari.
Kilala ang kanilang angkan sa buong kapuluan dahil ang kanyang amang leon ay dati na ring naging hari ng Maharlika, ngunit pinatalksik ito ng mga hayop sa kagubatan dahil siya ay malupit, tuso at hinayaan ang kanyang mga kaibigan na pagsamantalahan ang mga hayop sa kagubatan.
Tiniyak ng bagong hari sa mga hayop sa kagubatan na hinding-hindi siya magiging katulad ng kanyang ama, at nangako siyang magiging kabaligtaran siya ng kanyang ama.
Sa unang araw ng panunungkulan ng Leon sa kaharian, kanyang isinama ang kanyang tatlong malalapit na kaibigan at tagasuporta—isang lobo, isang buwitre, at isang buwaya.
Ang lobo ang matalik na kaibigan ng leon sa kagubatan, ang buwitre naman ay matagal nang kasama ng leon sa pangangaso, at ang buwaya naman ang kanyang pinagkakatiwaalang tagapaglingkod.
Ang tatlo ay binigyan ng leon ng kapangyarihan na mamahala sa lupa, sa himpapawid at sa tubig.
Gayunpaman, sa likod ng tinatawag na pagkakaibigan na ito, ang tatlo ay may makasariling mga motibo sa Kaharian. Alam nila na ang leon ang Hari ng Kagubatan, at ang pakikipagkaibigan sa gayong mabangis at makapangyarihang nilalang ay palaging may pakinabang.
Masaya ang tatlo nang binigyan sila ng kaibigang Leon ng kapangyarihang mangasiwa sa lupa, sa himpapawid at sa tubig. Sa ganitong paraan, matutugunan ang kanilang mga makasariling layunin.
At ‘di naglaon, nagsimulang magpakita ng kabaitan ang tatlo, naging masunurin sa mga utos ng Hari, at inialok ang kanilang serbisyo sa Leon anumang oras na naisin nito.
At dahil malalapit silang kaibigan ng Leon, hindi na nila kailangang gumawa ng anumang pagsisikap na maghanap ng kanilang pagkain, dahil nakikinabang sila sa anumang pagkain ng Leon.
Bukod dito, naging makapangyarihan sila sa mata ng mga hayop sa kagubatan dahil kaibigan nila ang Hari ng Maharlika.
Lumilipas ang mga araw, naging masaya ang mga magkakaibigan at namuhay ng marangya sa Kaharian.
Isang araw, isang Kamelyo, na nagmula sa malayong lupain ang naligaw at pumasok sa kagubatang nasasakupan ng tatlong magkakaibigan.
Sinubukan ng Kamelyong makalabas ng kagubatan, ngunit sadyang nakulong na siya at ‘di makalabas.
Samantala, ang tatlong tusong magkakaibigang ay nagkataong dumaan sa parehong daan kung saan gumagala ang Kamelyo.
Nang makita nila ang Kamelyo, agad na pumasok sa isip nila na hindi ito kabilang sa kanilang kagubatan.
“Patayin natin siya at kainin natin siya,” mungkahi ng Buwaya sa dalawa niyang kaibigan.
Sumagot ang Lobo: “Ito ay isang malaking hayop. Hindi natin siya kayang patayin ng ganito. Sa aking palagay, dapat muna nating ipaalam sa ating Hari ang tungkol sa Kamelyong ito”.
Sumang-ayon ang Buwitre sa ideyang ibinigay ng Lobo.
Pagkatapos magpasya, lahat sila’y nagtungo sa yungib upang kausapin ang Leon.Pagdating sa yungib, nilapitan ng Lobo ang Leon at nagwika, “Kamahalan, isang hindi kilalang Kamelyo ang nangahas na pumasok sa iyong kaharian nang wala kang pahintulot. Ang kanyang katawan ay puno ng laman at maaari siyang maging masarap na pagkain para sa atin. Patayin natin siya.”
Ang Leon ay umatungal nang malakas nang marinig ito, at nagwika, “Ano ang iyong sinasabi? Ang Kamelyo ay napadpad sa kanlungan ng aking kaharian. Hindi tama na patayin siya ng ganito. Dapat nating ibigay sa kanya ang pinakamagandang lugar sa kagubatan para doon pansamantalang manahan. Pumunta ka at dalhin mo siya sa akin.”
Ang tatlo ay nadismaya nang marinig ang mga salitang iyon mula sa Hari. Pinuntahan nila ang Kamelyo at sinabi sa kanya ang tungkol sa pagnanais ng Leon na makipagkita sa kanya.
Natakot ang Kamelyo sa kakaibang alok. Pakiramdam niya ay dumating na ang kanyang huling sandali, at ‘di maglalaon ay magiging pagkain na siya ng Leon.
Dahil hindi na siya makalabas pa sa kagubatan, nagpasya ang Kamelyo na sumama sa tatlo para makilala ang Leon.
Inihatid ng tatlo ang Kamelyo sa yungib ng Leon. Natuwa ang Leon nang makita ang Kamelyo. Malugod niya itong tinanggap at tiniyak sa kanya na siya’y ligtas sa kagubatan sa buong panahon ng kanyang pananatili.
Ang Kamelyo ay lubos na namangha nang marinig ang mga salita ng Leon. Labis itong natuwa sa ibinigay na pagtitiyak sa kanya ng Hari, at nagsimulang mamuhay kasama ang Lobo, ang Buwitre at ang Buwaya.
Isang araw, nang ang Leon ay nangangaso sa kagubatan, napalaban ito sa isang Elepante. Ang Leon ay nasugatan nang husto at naging baldado. Dahil dito, wala na itong kakayahang manghuli at mangaso. At sadya pang tinamaan ng malas, ang Leon ay kinailangang manatili sa kanyang yungib ng walang pagkain sa loob ng mahabang panahon.
Dahil dito, ang kanyang mga kaibigan ay nagutom na rin dahil sila ay lubos na umaasa sa pangangaso ng Leon para sa kanilang pagkain. Habang ang Kamelyo naman ay walang kaalam-alam sa pangyayari at masayang gumagala sa kagubatan.
Sobrang nag-alala ang tatlong tusong magkakaibigan at pinag-usapan nila ang kalagayan ng Hari.
Nang makapagpasya ang tatlo, nilapitan nila ang Leon at sinabi: “Kamahalan, araw-araw kang nanghihina. Ayaw namin na makita ka sa ganitong kahabag-habag na kalagayan. Bakit hindi mo patayin ang Kamelyo at kainin siya?”
Ang Leon ay galit na umatungal, “Hindi. Paano ninyo naiisip ang ganoong bagay? Siya ay ating bisita at hindi natin siya dapat saktan o patayin!”
Hindi tanggap ng tatlo ang naging pahayag ng Leon, kaya nang sila ay muling nagpulong at nagplanong patayin ang Kamelyo.
Pinuntahan nila ang Kamelyo at malambing na nagwika: “Mahal na Kaibigan, alam mo ba na ang ating Hari Leon ay hindi kumakain ng anuman sa nakalipas na maraming araw? Siya ay hindi na maaaring pumunta pa sa kagubatan para mangaso dahil sa kanyang mga karamdaman at malalaking sugat. Dahil sa kanyang kalagayan, tungkulin nating isakripisyo ang ating mga sarili upang iligtas ang buhay ng ating Hari. Sumama ka sa amin, ihahandog namin ang aming mga katawan para mayroon siyang makakain.”
Hindi lubos na naintindihan ng Kamelyo ang kanilang mga sinasabi, gayunman ito ay tumango’t sumang-ayon sa kanila.
Pumasok silang lahat sa yungib ng Leon.
Unang lumapit ang Buwitre at nagsabi, “Kamahalan, hindi kami nagtagumpay sa pagkuha ng anumang pagkain para sa iyo. Hindi ko kayang makita kang ganito. Aking iniaalay ang aking katawan bilang iyong pagkain.”
Nagwika ng Leon: “Kaibigan, mas gugustuhin kong mamatay na lamang kaysa gumawa ng gayong makasalanang gawain.”
Pagkatapos, lumapit ang Buwaya at nagsabi, “Kamahalan, napakaliit ng katawan ng Buwitre para ika’y mabusog at lumakas. Iniaalay ko ang aking sarili sa iyo, dahil tungkulin kong iligtas ang iyong buhay.”
Mapagkumbabang tinanggihan ng Leon ang alok ng Buwaya.
Ayon sa plano ng tatlong tuso, ang Lobo naman ang siyang mag-aalay ng sarili sa Hari.Kaya lumapit ito at nagsabi, “Kamahalan, ang Buwaya ay puno ng kaliskis at hindi nito kaya punan ang iyong gutom. Inaalay ko ang aking sarili para ika’y mabuhay pa nang matagal. Pakiusap ko, ako’y iyong patayin para lumakas ka’t maibsan ang iyong gutom.”
Pagkasabi nito, dumapa ang Lobo sa harap ng Leon. Ngunit walang pinatay ang Leon sa sinuman sa kanila.
Ang Kamelyo na siyang tahimik na pinapanood ang buong eksena ay nakadama ng katiyakan sa kanyang kaligtasan at nagpasya rin na magpatuloy at kumpletuhin ang pormalidad.
Lumapit ang Kamelyo sa harap ng Leon at sinabi: “Kamahalan, bakit hindi mo ako patayin. Ika’y naging mabait sa akin, at nang lumao’y naging kaibigan mo. Ang kaibigang nangangailangan ay tunay na kaibigan. Payagan mo akong ialay sa iyo ang aking katawan bilang iyong pagkain.”
Dahil sa binanggit ng Kamelyo, biglang nabuhay ang dugong dumadaloy sa ugat ng Leon.
Parang naging musika sa pandinig ng Hari ng Maharlika ang naging alok ng Kamelyo.
Agad na sinalakay ng Leon ang Kamelyo, pinunit ang katawan nito at pinagpira-piraso.
Kinain ng Leon ang laman pati ang mga kaloob-looban nito, at sumunod na rin ang Lobo, ang Buwitre, at ang Buwaya na pagsaluhan ang karne ng Kamelyo hanggang silang lahat ay mabusog.
Nagustuhan ng Hari ng Maharlika ang karne nito, at nagpiyesta ang apat na magkakaibigan sa gula-gulanit na katawan ng kawawang Kamelyo.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang aming taos-pusong pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ng Kamelyo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]