SA gitna ng karagatan sa Pasa Ticao—pagitan ng San Jacinto’t Bulan.
Ito marahil ang pinakamalalim na bahagi ng dagat kung saan iba’t ibang uri ng isda, at mga lamang-dagat ay naninirahan. Sa kasuluk-sulukan ng makulay at malawak na bahura, nagsisiksikan ang naggagandahang ornamental na isda, at sa ‘di kalayua’y pulu-pulutong na mga sihors ang nagbabantay.
Madalas man daanan ng habaga’t bagyo, walang makapipigil sa pagdayo ng mga tao rito para mangisda o sisirin at galugarin ang lalim ng dagat.
Ngunit sa kabila ng yaman ng karagatan sa Pasa Ticao, mayroon mga bahagi ang paraisong ito na nakakalbo’t puno ng mga basura na dala ng tao.
Sa lugar na ito, may isang batang Pugita ang madalas na maglaro sa mga bahura—sumisisid sa kailalim-laliman, at sumisiksik sa pagitan ng mga maliliit na lagusan ng mga nagsisilakihang kwebang bato. Minsan nama’y mamumulandi ito ng maitim na tinta o kaya’y magbabagong-anyo upang magkubli sa mga kilalang kaaway.
Isang araw, habang naglalaro, nakakita ito ng nanganganinag na bagay na hugis pahaba. Dahil sa pagkamausisa nito, sinuri ng batang Pugita ang nanganganinag na bagay at sinubukang isiksik ang sarili sa maliit na butas nito hanggang sa tuluyan nang naipasok nito ang kanyang buong katawan—kasama ang kanyang walong galamay—sa loob ng hugis pahabang bagay.
Walang kamalay-malay sa kung anong bagay ang kanyang pinasukan, patuloy na nagpupumiglas ang batang Pugita—ngunit kahit anong gawin niya, walang bahagi ng katawan ang makalabas sa butas.
Ilang oras din na sumisigaw ng tulong ang batang Pugita, pero ni walang ni isang isda ang nakapansin sa kanya sapagka’t natatabunan siya ng mga basurang matagal nang naipon sa sahig ng dagat.
Hanggang sa mayroong tatlong magkakaibigang alimango ang napadaan sa bahura at napansin ang isang pagulong-gulong na mahabang sisidlan sa mga tambak na basura.
“Ano ‘yun?” tanong ng alimango sa kanyang mga kasama, sabay turo ng kanyang kanyang pangalmot sa hugis pahabang bagay.
“Teka, mag-ingat tayo,” babala ng isang alimango. “Tila kakaibang nilalang ang nasa loob niyan.”
Dahan-dahang nilapitan ng tatlong alimango ang pagulong-gulong na sisidlan hanggang sa napansin nilang mayroon ngang maliit na pugita sa loob nito.
“Tulong, tulong!” sigaw ng batang Pugita, habang papalapit sa kanya ang tatlong alimango.
“Paano ka napasok sa loob niyan?” tanong ng isa.
“Naglalaro lamang po ako at sinubukan ko pong ipasok ang aking katawan doon po sa dulong butas nito. Sa kasamaang-palad, hindi ko po alam kung paano ako makakalabas dito,” umiiyak na salaysay ng batang Pugita.
Awang-awa ang tatlong magkakaibigang alimango sa kanilang nasaksihang kalagayan ng batang Pugita. Kung aabutin pa ito ng magdamag, malamang ay mauubusan ito ng hangin at tuluyan nang mawalan ng hininga.
“Alam mo bang marami nang mga isda, pawikan, mga balyena’t lumba-lumba ang naaksidente’t nangamatay sa lugar na ito?” wika ng pinakamatandang alimango.
“Ito ang lugar kung saan itinatapon ng mga mangingisda ang kanilang mga basurang dala kapag namamalakaya. Ang sisidlan na ‘yan kung saan mo isinuksok ang iyong katawan ay isa lamang sa daan-daang boteng plastik na itinatapon ng mga tao rito sa ating lugar.”
Hindi maintindihan ng batang Pugita ang paliwanag at salaysay ng alimango. Ang tanging nais lamang niya ay ang makaalpas sa kanyang kinalalagyang nanganganinag na kulungan.
Sa pamamagitan ng kanilang mga matutulis na pangalmot at malalakas na sipit, mabilis na nagtulong-tulong ang tatlong alimango na tabasin ang plastik na sisidlan at lakihan ang hiwa ng butas nito para tuluyan nang makawala ang batang Pugita.
‘Di naglaon, nakalaya ang batang Pugita.
Ngunit habang umiinat-inat ito at inuugoy-ugoy ang kanyang walong galamay, hindi nito napansin na ang tatlong alimango’y mabilis na naghukay ng malalim sa buhangin, at nagtago sa gitna ng mga bahura.
Nalungkot ang batang Pugita dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataong suklian at pasalamatan ang kagandahang-loob ng tatlong palakaibigang alimango.
Makalipas ang ilang taon, ang Pugita ay itinalagang tagapagbantay ng bahura. Ang dating batang pugita ay binigyan ng kapangyarihan ng mga diwata ng dagat na protektahan ang mga bahura na pamugaran ng mga iresponsableng tao, at panatilihin itong malinis sa anumang basura, kalat at pagkasira.
Isang araw sa panahon ng amihan, may isang higanteng Barakuda ang aksidenteng naligaw sa lugar na binabantayan ng Pugita. Bumubulusok, umaalulong at halatang gutom—naghahanap ng makakain.
Malayo pa lamang ang higanteng isdang ito ay maaaninag na ang kanyang kumikinang at mahabang pabilog na katawan. Ang matatalas na pangil nito na kayang butasin ang katawan ng mapupusuan nitong kainin, at ang pinakawawalan nitong lason mula sa bibig ay kayang sirain ang laman-loob ng anumang nilalang—tao man o nilalang-dagat.
Habang paikot-ikot ang Barakuda sa bahura, lahat ng mga isdang naroroon ay mabilis na nagsi-alisan. Maging ang ilang matatapang na pagi ay umiwas at lumangoy papalayo.
Napansin ng Pugita na nanlilisik ang mga mata ng Barakuda sa galit dahil nagpanakbuhan ang lahat ng mga isda, maliban sa mga taliptip, ulang at alimango na may kabagalang lumakad at gumalaw kung ihahambing sa bilis ng ibang isda.
Nakita ng Pugita ang isang alimango na sinalakay ng isang higanteng Barakuda. Agad na nakilala ng Pugita ang alimango. Kailanma’y hindi nito malilimutan ang minsa’y nagligtas sa kanya at tinulungan siyang makalaya.
Kung kaya, biglang mamumulandi ito ng kanyang pinakamaitim na tinta para bulagin ang Barakuda.
“Bilis, magtago ka, Kaibigan!” sigaw ng Pugita sa alimango. Ngunit naging pansamantala lamang ang pagkabulag ng higanteng isda sapagkat mabilis nitong nahawi ang maitim na tinta, hanggang sa nakita nito ang pangalawang alimango at hinabol.
Agad na niyakap ng Pugita ang pangalawang alimango at dali-daling dinala sa batuhan.
Paikot-ikot ang Barakuda at pilit na hinahanap ang alimango, ngunit biglang nagbago ang kulay ng balat ng Pugita at naging-kulay kahel tulad ng mga bato’t halamang-dagat. Nagkubli ang alimango sa bahagi ng tiyan ng Pugita at maging ito’y nagulat sa pagbabalatkayo ng kanyang tagapagligtas.
Mas tumindi lalo ang galit ng Barakuda. May natitira pang isang alimango ngunit kailangan niyang harapin muna ang Pugita.
Matalino ang Pugita. Inaasan niyang siya ang susunod na sasalakayin ng higanteng isda. Kung kaya’t muli itong nagpakawala ng tintang itim—ngunit sa pagkakataong ito—mas malapot at may halong lasong nakakabulag.
Sa gitna ng madilim na tubig dala ng ata, matapang na nilusob ng Barakuda ang Pugita.
Pero walang panama ang bilis ng Barakuda sa isang Pugitang handa. Iniwagayway at iniunat ng Pugita ang kanyang walong galamay at mahigpit na pumulupot sa madulas na katawan ng Barakuda.
Buong lakas na sinipsip at dinurog ng Pugita ang laman ng higanteng isda hanggang sa hindi na ito makagalaw.
Pagkatapos ng marahas na pangyayari sa bahura, nagpasalamat ang tatlong magkakaibigang alimango sa Pugita, pero hindi na nila mamukhaan ang dating batang pugitang kanilang iniligtas at tinulungan.
Ani ng Pugita: “Mga Kaibigan… ako ang dapat sa inyo’y magpasalamat. Kung hindi sa inyong kabaitan at habag, ako’y nabuhay nang matagal at namulat sa mga nangyayari sa karagatan. Sa pagkakataong ito, hayaan po ninyong suklian ko ang inyong kabutihan.”