UMABOT sa 50 degrees Celsius ang heat index sa Dgupan City, nitong Sabado, Abril 30, 2022. Ito ay isa sa pinakamataas na heat index na naitala ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Naitala ang nasabing temperatura alas-5 ng hapon, dagdag pa ng weather state bureau.
Ang heat index o “init factor” ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao na taliwas sa aktwal na temperatura ng hangin.
Samantala, ang mga sumusunod na lugar ay mayroong above-40 degrees Celsius heat index noong Sabado:
Aparri, Cagayan: 46ºC bandang 5 p.m.
Laoag City, Ilocos Norte: 44ºC bandang 2 p.m.
Casiguran, Aurora: 42ºC bandang 2 p.m.
Masbate City, Masbate: 42ºC bandang 1 p.m.
NAIA, Pasay City: 42ºC bandang 1 p.m.
Mula Marso 1 hanggang Abril 30, naitala rin ang pinakamataas na heat index sa Dagupan City sa 54ºC noong Abril 22 alas-2 ng hapon, sinabi ng Pagasa.
Tinukoy pa ng Pagasa na “danger” zone ang mga lugar na may heat index na mula 42ºC hanggang 51ºC, at “extreme danger” kapag ang heat index ay nasa 52ºC at mas mataas.
Posibleng makaranas ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke ang mga taong nasa ilalim na nasa danger zone dahil sa tindi ng heat index.
Pinayuhan ng weather bureau ang publiko na limitahan ang kanilang oras na ginugugol sa labas, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang tsaa, kape, soda, at alak.