Emong’ magla-landfall sa Batanes

INIHAYAG ng weather bureau na posibleng mag-landfall ngayong hapon o gabi ang bagyong Emong sa Batanes.


Sa bulletin, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na tinatahak ng bagyo ang hilagang kanluran malapit sa extreme Northern Luzon.


“On the forecast track, the center of the tropical depression will pass close or make landfall in the vicinity of the Batanes-Babuyan Islands area this afternoon or tonight,” ayon sa Pagasa.


Huling namataan ang bagyo sa layong 285 kilometro silangan hilagang-silangan ng Tuguegarao City at kumikilos sa bilis na 40 kilometro bawat oras.


May taglay itong lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras at pagbugso na umaabot sa 70 kilometro kada oras.


Nakataas na ang Tropical Cycle Wind Signal No. 1 sa Batanes, sa mga bayan ng Sta. Ana at Gonzaga sa Cagayan at sa Babuyan Islands. Inaasahan na magdudulot ito ng malakas na pag-ulan.


Bukas ng umaga ay lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility, ayon pa sa Pagasa.