Bagyo magla-landfall sa Bataan; Luzon, Visayas uulanin

MATINDING pag-ulan ang naranasan ng ilang lalawigan sa Luzon at Visayas dahil sa bagyong Dante.


Sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) alas-11 ng umaga, uulanin ang Calabarzon at mga probinsya ng Romblon, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Zambales at Bataan sa Luzon at Aklan, Antique, Capiz, Iloilo at Guimaras sa Visayas.


Sa pagtataya ng Pagasa, tatama ang bagyo sa kalupaan, sa ika-anim na beses, sa Bataan mamayang gabi.


Unang nag-landfall ang bagyo sa Sulat, Eastern Samar alas-8:30 Martes ng gabi bago tumama sa Cataingan, Masbate ala-1 kaninang madaling araw.


Pagkatapos nito ay nag-landfall din ito sa Balud, Masbate; Romblon, Romblon; at San Agustin, Romblon.


Sa kasalukuyan ay apat na ang nasawi sa pananalasa ni “Dante” sa Mindanao.


Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometro kada oras taglay ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at bugso na aabot sa 90 kilometro kada oras.


Inaasahan namang magiging tropical depression na lang ito bukas ng umaga pagdaan sa Zambales at Pangasinan.


Kaugnay nito, aabot sa 3,000 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Eastern Visayas, Central Visayas, Southern Tagalog, Northeastern Mindanao at Bicol regions.


Hindi na muna pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na makabiyahe ang aabot sa 1,000 sasakyang-pandagat ngayong araw upang makaiwas sa sakuna.