HINDI pa man din nakakabangon ang maraming parte ng bansa dulot ng bagyong Odette, isa pang bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa bisperas ng Pasko, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Mayroon po tayong nakikita, Mr. President, na ang inaasahan po nating papasok sa Philippine Area of Responsibility sa hapon po ng December 24, ayon kay Pagasa Administrator Vicente Malano sa kanyang report kay Pangulong Duterte Biyernes ng gabi.
Ayon pa kay Malano, na bagamat papasok ito sa bansa, inaasahan na malulusaw rin ito at hindi tatama ng kalupaan ang bagyo.
“Ang atin pong projection ay ito po’y mag-dissipate po, hindi po tatama ng kalupaan, according to our analysis — mag-dissipate po siya east of Bicol Region or Samar Island. Hindi po siya tatama ng kalupaan. Sana po hindi na matuloy,” dagdag pa ng opisyal.
Dahil dito ay nagpahayag ng pag-aalala si Duterte dahil tiyak umanong maaapektuhan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng mga Pinoy.
“I’m worried about — you know, it’s Christmas time, people are happy and we have this one after another. I hope not. It will dampen the spirit of the people during Christmas time,” sabi ni Duterte.