HUMINGI ng paumanhin ang presidente ng Southern Philippines Institute of Science and Technology kay Sass Sasot sa naranasan nitong pambabastos sa graduation ceremony sa Cavite nitong Biyernes.
Humingi rin ng paumanhin si Dr. Erlinda S. Manzanero, president at CEO ng SPIST, sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang dahil sa pagkakadiskaril ng graduation.
“What transpired yesterday was beyond our control. We are deeply sorry for the inconvenience it caused, and we understand your frustration because you’ve waited for this event but suddenly the thrill and excitement was lost,” ayon kay Manzanero.
Nagbanta rin ang opisyal na pananagutin ang mga nasa likod ng “unwarranted action which can be characterized as an attack to our institution causing damage against SPIST, graduates, parents, and respected guests.”
Nangako naman si Manzanero na itutuloy ang naunsyaming graduation ceremony.
“We will release an official announcement on the re-schedule of the post-graduation and its details,” dagdag pa.
Matatandaang iniulat ng PUBLIKO na pinatayan ng ilaw at pinalayas sa stage si Sass habang nagtatalumpati sa harap ng mga graduating students.
Ayon kay Sasot, hindi nagustuhan ng may-ari ng venue ng graduation, ang Church of God, na isang transgender at Bongbong Marcos supporter ang magbibigay ng commencement speech.
Sa kalagitnaan ng pagsasalita ni Sasot ay pinatay ang ilaw at sound system.
Hindi naman nagpatinag ang blogger at itinuloy ang speech na may kaugnayan sa “courage.”
Binuksan naman ng mga mag-aaral ang flashlight ng kanilang mga cellphone at itinutok kay Sass.
Bago matapos ang speech, isang staff ng venue ang umakyat ng stage at pilit na pinababa ang blogger.
Hindi na rin pinatapos ang graduation rites.
Ang Church of God Dasmarinas ay isang Pentecostal Church na matatagpuan sa Marilag Subdivision, Aguinaldo Highway, Dasmarinas.
Ayon kay Sass, isang araw bago ang graduation ay nagbanta na ang Church of God na ipatitigil ang graduation ceremony kapag itinuloy ng SPIST na gawin siyang commencement speaker.