MATINDING pagdududa pa rin ang nararamdaman ng pamilya ng mga napatay ng dating pulis na si Jonel Nuezca.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Mark, isang kaanak ng mga biktimang sina Sonya at Frank Gregorio, na hindi sila kumbinsido sa pagkamatay ni Nuezca at posibleng isang malaking palabas lamang ito.
“Kaya naman po ako hindi naniniwala, pwede po kasing maging palabas lang po yan. Pwede naman po kasing napepeke ang death certificate saka … o kaya palabasin na siya yung bangkay pero iba yung bangkay. Ang dami pong pumapasok sa isip ko, basta puro nagduda po ako sa pagkamatay niya,” sabi ni Mark.
Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na namatay si Nuezca alas-6:44 ng gabi ng Martes matapos mag-collapse sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
“Baka mamaya isang malaking palabas lang po ito, masabing patay lang po siya para makawala lang kasi po siyempre pulis po. Namatay po siya o hindi pinapasa Diyos na lang po namin,” ayon pa kay Mark.
Aniya, pinatawad na ng pamilya niya si Nuezca bagamat kailangan niya pa ring pagdusahan ang ginawang krimen.
“Pero kung namatay po talaga po condolence po sa pamilya. Sa ngayon pinapasa Diyos na lang po namin,” ayon pa kay Mark.
Nakakulong si Nuezca sa NBP simula pa noong Agosto matapos na masintensiyahan ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo kaugnay ng pagpatay sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52, Frank Anthony, 25, sa Paniqui, Tarlac, noong Disyembre 20, 2020.