P363M saging nilantakan ng negosyante

BINALATAN at kinain ng Chinese cryptocurrency entrepreneur na si Justin Sun ang saging na tampok sa artwork na nabili niya ng tumataginting na $6.2 milyon o humigit-kumulang P363 milyon.

Ginawa ni Sun ang pagkain ng viral na saging sa harap ng mga reporters at influencers makaraan siyang magtalumpati ukol sa pagkakapareho umano ng “conceptual art” at “cryptocurrency.”

“It’s much better than other bananas,” ani Sun sa unang kagat niya sa saging. “It’s really quite good.”

Matatandaan na nabili ni Sun sa auction noong isang linggo ang saging na naka-tape sa dingding, isang conceptual work ng Italian artist Maurizio Cattelan na may titulo na “Comedian.”

Ipinangako niya sa oras na mapasakamay na niya ang viral artwork ay kakainin niya ang saging.

“Eating it at a press conference can also become a part of the artwork’s history,” pahayag ni Sun.

Makaraang maibenta ang nasabing creation ni Cattelan, marami ang nagdebate kung maikukunsidera ba itong isang likhang-sining.

Ikinumpara naman ni Sun ang “Comedian” sa cryptocurrency.

“Most of its objects and ideas exist as (intellectual property) and on the internet, as opposed to something physical,” aniya.