Kabit binanggit sa kama, mister pinutulan ni misis

HIMAS-rehas ang isang ginang na taga-Baguio City na pumutol sa ari ng mister makaraan nitong banggitin ang pangalan ng kabit habang sila’y nagtatalik nitong Sabado.

Wala namang pagsisisi ang ginang, 55, sa kanyang ginawa. “Karapatan ko lang bilang babae ang pinaglalaban ko ngayon. Kabayaran niya ‘yan. Kung may kasalanan siya, may kasalanan ako. Alam na alam niya ‘yan,” sambit ng suspek.

Ayon pa rito, bukod sa pangangaliwa ay madalas din siyang bugbugin ng mister.

Sa katunayan ay minsan na niya itong inireklamo sa mga otoridad pero agad din niyang binawi.

Sa ulat, nagtatalik ang mag-asawa Sabado ng gabi nang banggitin umano ni mister, na kagagaling lang sa inuman, ang pangalan ng kanyang girlfriend.

“Nami-miss ko na ‘yung isa, sabi niya,” kuwento ng misis. “[N]aglalaro kami, tapos ‘yung babae ang binabanggit niya,” dagdag niya. Sa galit, tumayo ang ginang at kumuha ng patalim sa kusina bago pinutol ang ari ng asawa.

Tinangka pang tumakas ng suspek pero agad itong nasakote ng mga pulis.

Naikabit naman ang naputol na bahagi ng ari ng biktima, na nagpapagaling na ngayon sa ospital.

Nahaharap sa reklamong mutilation ang suspek na nasa kustodiya ng Baguio City Police station 9.