INIHAYAG ng isang mambabasa ng PUBLIKO na payag siyang ampunin si Jerico Camparicio, ang honor student mula sa Roxas, Palawan na nagmakaawa sa netizens at sinabing gagawin ang lahat makapagtapos lang ng pag-aaral sa kolehiyo.
Ayon kay A. Rivera, pag-aaralin niya sa Metro Manila at patitirahin pa sa kanyang bahay sa Caloocan City si Camparicio kung gugustuhin ng estudyante.
Sa chat niya sa PUBLIKO, sinabi ni Rivera na isa siyang seaman at kaya niyang tustusan ang pag-aaral ng estudyante.
“Pwede nyo po ako i connect sa kanya, I’m a seaman. Kaya ko sya pag aralin,” aniya.
“Mga pasaway pamangkin ko hehe kaya baka sya na nlang po tulungan ko. Sa unit ko sya stay sa Caloocan kung ok sa kanya,” dagdag ni Rivera.
Pinayuhan na lamang siya ng PUBLIKO na personal na padalhan ng mensahe si Camparicio sa pamamagitan ng social media.
Matatandaan na sa open letter sa kanyang Facebook page, sinabi ni Camparicio na naghahanap siya ng magpapaaral sa kanya kapalit ng serbisyo bilang kasambahay.
Incoming senior high school student si Jerico na honor student sa junior high school.
“LF guys yong gusto lang po mag ampon sakin yong kaya ako pa aralin kase gusto ko makapagtapos sa pag aaral ko.
“A kung sa loob naman po ng bahay, ako na lang ang maglilinis at magluluto, basta may magpapaaral lang talaga sa akin. Alam ko mahirap na walang pinagtapusan, pero sana naman meron mag-ampon sakin.
“Iniwan kasi ako ni papa, nag-uwi siya ng Negros at hindi niya ako sinusuportahan, at si mama naman, nag-asawa ng bago, mas priority niya pa ang asawang bago kesa sa akin. Kung saan ako nagsisikap mag-aral, doon niya naman hindi ako sinusuportahan.
“Ako lang po ang nagsisikap sa pag-aaral dahil gusto ko magtapos sa pag-aaral ko. Nakikitira ako sa kaibigan ko, nagpa-part-time po sa trabaho, at saka nagbebenta ako online para may kita din, para hindi ko mapabayaan ang pag-aaral ko.
“Ang gusto ko lang naman po makapagtapos ko ang pag-aaral ko, maabot ko yung pangarap ko,” aniya.