Cristine Reyes tutulungan batang pursigidong mag-aral

HATS off ang aktres na si Cristine Reyes sa batang  lalaki na inaalagaan at kasama sa loob ng classroom ang nakababatang kapatid habang nag-aaral.

Sa Facebook post, shinare ni Cristine ang viral video ng pupil na si Renz, 9, na pinagsasabay ang pag-aaral at pagtulong sa pamilya.

“Habang nasa klase ang batang si Renz sa New Katipunan Elementary School, katabi at inaalagaan pa niya ang kanyang kapatid,” sey ng aktres sa caption.

Dagdag niya, gusto niyang makilala ang bata para magpaabot ng tulong.

“Nasaan ang batang to?” ani Cristine.

Ayon naman sa guro na si Herald Apole, na siyang nag-post ng video, pumapasok ng paaralan si Renz kahit hindi pa nag-aalmusal at kahit walang baon. Inaalagaan nito ang kapatid dahil nagtatrabaho sa bukid ang kanilang mga magulang, pahayag pa ng guro.

Pangarap ni Renz na maging isang teacher paglaki.