Carlos Yulo nagpasalamat sa pamilya

NAKORNER ni Willie Revillame si Olympic gold medalist Carlos Yulo nang bumisita ang gymnast sa show nito na “Wil to Win” sa TV5.

“Ano ang gusto mong sabihin sa mga mahal sa buhay?” tanong ni Willie kay Yulo na ang pinatutungkulan ay ang mga magulang at kapatid.

“Alam ko may mga pinagdadaanan ka, nakapag-usap kami kanina sa backstage. Sabi ko, masarap yung buo ang lahat at siyempre, yung mga mahal mo sa buhay, nandiyan sa ‘yo,” sambit ng TV host.

Sagot ni Yulo: “Nagpapasalamat po ako na nandiyan sila, nakaantabay. Ipinagdarasal ako sa lahat ng mga ginagawa ko sa buhay.

“Naaalagaan hindi lang bilang atleta, bilang tao na rin po. Wala po akong masabi kundi pasasalamat. Thank you sa pagmamahal na ibinibigay nila sa akin.

“Hindi ko po alam, ito po yung naging resulta ng pagsusuporta nila. Maraming salamat po.”