PINAYUHAN ang mga netizens sa abogadong si Raymond Fortun na lumabayan na ang pagkokomento ukol sa isyu ng pamilya ng Olympic gold medalist na si Carlos Yulo.
Ginawa ng netizens ang pakiusap makaraang kumalat ang screenshot ng umano’y Facebook post ng abogado kaugnay sa pangakong napako ni Carlos sa ama na si Mark Andrew.
Mababasa sa nasabing post, na ngayon ay hindi na mahagilap, na ilang araw makaraang ianunsyo ni Carlos na makikipagkita sa ama ay wala pa rin daw itong paramdam. Idinagdag sa post na bago ang parada noong Agosto 14 ay naka-20 tawag daw si Mark Andrew sa anak pero hindi ito sinagot ng huli.
“From August 4 to August 13, the father makes more than 20 calls to speak to the son. All were ignored; not a single call returned. On August 14, the son joins a parade, and makes a post on Facebook: ‘Kitakits’ he says to his dad,” mababasa rito. Gayunman, dagdag ng abogado: “After 4 days, no reunion. Not even a single phone call or text to any member of his family as of 10:00 pm of August 18.”
Hindi naman nagustuhan ng maraming netizens ang ginawang pagsasapubliko rito ni Fortun, ang legal counsel ng ina ni Carlos na si Angelica, at sinabing huwag nang dumagdag pa sa gusot ng pamilya Yulo.
Sentimento ng isa: “Tulungan mo yung mga pamilya na kaylangan na kaylangan ang serbisyo mo. Wag na
dyan makisali sa Yulos drama hay naku.” “Mas mabuti tumahimik na lang. Hayaan mo sila,” sabi ng isa pa.