NAGSALITA na rin sa wakas ang sinibak na kontrobersyal Jose Rizal University player na si John Amores tungkol sa kanyang panununtok sa apat na player ng College of Saint Benilde.
Problema umano sa pamilya, ang matinding pagka-miss sa kanyang anak, at pressure sa laro ang nag-ugat ng matinding galit noong araw nang kanyang panununtok, ayon kay Amores sa exclusive interview nina Quinito Henson at Dyan Castillejo sa YouTube channel na PlayItRightTV.
Sinabi rin ni Amores na nagtungo na rin siya sa CSB at personal na humingi ng paumanhin.
Nilinaw rin niya na bagamat tinanggal na siya sa basketball team ng JRU at binawian ng scholarship, nananatili siyang estudyante ng unibersidad. Anya, siyam na araw siyang pinatawan ng suspensyon at pinag-community service.
Umapela naman si Amores na bigyan siya ng pagkakataon na makapagbago.
“Sana mabago ko yung sarili ko. Sana maipakita ko sa inyo kung sino yung taong ito, na nabago ko ang sarili ko… maipakita ko sa kanila na kaya kong maging better. Na mas maging maayos ang sarili ko,” pahayag ni Amores.
“Humihingi ako sa inyo ng pasensiya, at sana ay ma-appreciate ninyo ang paghingi ko ng pasensiya. Alam kong hindi easy na mapatawad ako, pero kahit paunti-unti ay mapatawad ninyo ako,” dagdag pa nito.