BAGAMAT pabor siya na tanghalin na “National Artist” si Vilma Santos, natsi-cheapan ang writer-director na si Ronald Carballo sa ginagawang pangangampanya rito ng grupo ni Dingdong Dantes.
Sa Facebook post, inihalintulad ni Carballo sa “ka-cheapang eleksyon” ang pangangampanya sa Star for All Seasons bilang National Artist.
Paliwanag niya ay “binabastos” at “minamaliit” ng lider ng Aktor PH na si Dingdong ang kahalagahan at dignidad ng Order of National Artists of the Philippines.
“Akala mo, pulitika at ka-cheapang eleksyon lang ng mga artista, kung ikampanya nila si Vilma Santos para ibotong National Artist,” pahayag ni Carballo.
“Kampanya na akala mo’y may pinu-promote lang na pelikulang ipalalabas ang Star for all Seasons. Kampanyang corrupt na corrupt ang dating,” dagdag niya.
Punto ni Carballo, deserving si Vilma sa karangalan kaya hindi na ito kailangang ikampanya.
“Naga-aksaya lang kayo ng oras at pera. Mr. Dingdong Dantes, wag nyong dalhin ang corruption ng showbiz at pulitika sa larangan ng kataas-taas parangal sa Sining na Pambansang Alagad ng Sining. Malaking pambabastos yan sa kataas-taasang parangal at pangmamaliit sa kakayahan ng mga pipili kung sino ang mga tunay na karapat-dapat mailuklok sa kataas-taasang Parangal sa Sining,” sabi pa niya.
“Mas masarap tanggapin ang panalo, kung matatanggap ito dahil deserving ang recipient,” sambit pa ni Carballo.