Willie tinalakan crew member na dumaan sa harap ng kamera

PINAGALITAN sa ere ng TV host na si Willie Revillame ang isang miyembro ng staff ng kanyang bagong show na “Will to Win” sa TV5.

Tila kumulo ang dugo ni Wlie na habang naka-live ang programa ay dumaan sa harap ng kamera ang floor director.

“Naiintindihan n’yo ba ako kung bakit ako nagagalit? ‘Yan po ang problema kapag hindi alam ang ginagawa sa show, ako lahat ang nananagot.” sey ni Willie.

Giit ng TV host, pinagsasabihan niya ang staff dahil gusto niyang maging maganda ang show.

“Tapos sasabihin n’yo mayabang na naman ‘yan. Binabash n’yo ako, kasi pinapaganda ko ang programa,” aniya.

“Ako ang nagiging kawawa at arogante dito sa show na ‘to. Makikita n’yo pati music. Maawa kayo sa akin, lahat ako nag-iisip para sa inyo,” dagdag ni Willie.

Hindi ito ang unang pagtalak ni Willie sa kanyang staff. Sa unang airing ng show noong Linggo ay pinuna niya ang mga tauhan dahil sa umano’y kapalpakan ng mga ito.

“Maawa naman kayo sa akin. Ako pa ba mag-iisip niyan? Diyos ko po naman. Maawa kayo sa akin. Nahihirapan na ako sa show na ‘to. Ako lahat,” yamot na sabi ni Willie.