Vice fans aabangan pagluhod ni Joey sa 15th anniv ng ‘It’s Showtime’ sa October

ANIM na buwan na lang ay ipagdiriwang  na ng noontime show na “It’s Showtime” ang ika-15 anibersaryo nito.

Unang umere ang Kapamilya noontime show noong October 24, 2009.

Pero ngayon pa lang ay pinaghahanda na ng mga supporters ng Vice Ganda-led show si Joey de Leon sa gagawin nitong pagluhod.

Matatandaan na sa episode ng “Eat Bulaga” nitong Miyerkules ay sumumpa si Joey na luluhod siya kapag umabot ng 15 taon ang “It’s Showtime.”

Ginawa ito ni Joey habang ipinagtatanggol ang “Eat Bulaga” sa mga bashers na sinabing magsasara na ang show dahil nalulugi na ito.

“Naiinggit lang ang mga ‘yan dahil hindi sila kasali sa Top 5 longest-running show in the world,” ani Joey.

“Heto muna ang hamon ko, umabot lang kayo ng 15 years, baka luluhod ako sa harap niyo. Fifteen lang ha, hindi 50 years,” dagdag niya.

“Bastusan na kasi ang labanan, e. Bastusan na, siraan, walang kuwenta. Enjoy lang tayo. Umabot muna kayo ng 45 years. Longest-running, Top 5 in the world. Mainggit kayo! Bakit kayo ganyan? Ang sasama ng ugali ninyo,” wika pa ng EB host.