NAWINDANG si Ogie Diaz sa nakarating sa kanya na chika na inutusan raw si Kim Chiu ng ex-boyfriend na si Xian Lim para ianunsyo ang relasyon nila ng producer na si Iris Lee.
Ani Ogie sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Sabado: “Tumawag daw itong si Xian Lim kay Kim Chiu…Nakarating lang sa akin ‘to, ha. Sabi niya: ‘Kim, pwede mo nang aminin, ha, na mayroon na akong girlfriend.”
“Naloka si Kim. ‘Ako ang mag-aannounce na may girlfriend na ang ex ko?’ Kaya sari-sari tuloy ‘yung mga opinyon tungkol doon sa nangyari,” dagdag ni Ogie.
“Kung totoo man ‘yon, ang mga opinyon nila: ‘Ha? Talagang si Kim Chiu ang pinag-aannounce mo na may bago ka nang girlfriend, Xian Lim?’ Tapos mayroon pang ‘Okay ka lang? Parang iniinsulto mo si Kim Chiu’.”
Gayunman, iginiit ni Ogie na walang kumpirmasyon ang kuwento kaya malaya sina Kim at Xian na pabulaanan ang ulat kung hindi ito totoo.
Matatandaan na kinumpirma ni Xian sa isang interview na girlfriend niya si Iris at masaya siya rito.