TINUYA-TUYA ni Cristy Fermin ang aktres na si Kylie Padilla makarang burahin nito ang post na pinapayuhan ang beteranang kolumnista at host na “grow up” dahil “tatanda n’yo na.”
Biyernes ng umaga ay nag-tweet si Kylie kay Cristy: “Alam ko kung sino source mo. Wag nyong hintayin magsalita ako tungkol sa inyo. Nag titimpi ako para sa mga anak ko. Tignan nyo mga mali nyo sa sarili nyo bago kayo manghusga ng ibang tao. Ano bang makukuha mo sa pag sisira sakin GROW UP. Ang tatanda nyo na. At sana kung sisiraan nyo ako totoo mga pinagsasabi nyo. Mahiya naman kayo sa mga sarili nyo.”
Kinahapunan ay hindi na mahagilap ang nasabing tweet.
Ratrat ni Cristy: “Kylie bakit wala kang nakuha sa paninindigan ng ama mo? Si Robin (Padilla) kapag nagsulat, kapag may ipinost, kapag may sinabi, hindi niya binabawi. Pinapanindigan niya iyon.”
“Bakit ikaw, nag-post ka kaninang umaga, nag-exercise ka lang yata, binunot mo na ang post mo. Bakit hindi mo napanindigan, bakit tinanggal mo kaagad? Bakit binura mo kaagad?” tanong ni Cristy.
“Hindi tama ‘yon, kapag meron kang sinulat o sinabi, panindigan mo,” sabi pa niya.
“Ang sabi mo, kilala mo ang source ko. Ilitaw mo ang source mo. Magharap-harap tayong tatlo. Ang pinatatamaan mo… pamilya ni Aljur Abrenica. Hindi mo lang madiretso, hindi mo lang sila maituro. Ang bulto ng pagpapatunay kung ano ang nangyayari sa iyo, ikaw ang maglalatag nun sa publiko, hindi kami na manunulat, hindi ang pamilya ni Aljur,” hamon pa ni Cristy.
“Tinanong ka na nga niya (Aljur) e. Alam niya kung sino ang kasama mo ngayon. Alam niya kung sino ang sumira sa inyong pamilya. Bakit hindi mo masagot ‘yon punto por punto? Ang mga ganyang paghamon, hindi mo uurungan ‘yan. Wag kang matatakot dapat diyan. Kailangang linisin mo ang pangalan mo para mahinto ang issue,” sabi pa ng kolumnista.
Pahabol pa ni Cristy kay Kylie: “Okay, ang sabi mo pa matatanda na kami. Isang araw tatanda ka rin. Pero, alam mo, napakasarap tumanda na merong pinagkatandaan. Ineng, isang araw, manalamin ka. Iyang mukha mo, kukulubot. Ang katawan mo ay magbabago ng postura. Lahat na mga bagay na materyal lamang, lalo na ang kagandahan, mawawala yan. Lumilipas yan. Pero yung paninindigan, mawala ka man sa mundo, sasabihin ‘yang taong ‘yan, may word of honor ‘yan. May isang salita ‘yan. May paninindigan ‘yan. Kinalaban ‘yan ng buong mundo wala siyang pakialam dahil ang kanyang paninindigan ang pinaglaban niya.”