PORMAL nang kinasuhan ng libel ang entertainment editor at ang reporter ng isang tabloid matapos ilathala sa kanilang Facebook page noong 2020 ang istorya ukol sa pekeng hubad na larawan ni Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Sa Instagram, ipinost ng abogado ni Gray na si Atty. Joji Alonso ang kopya ng resolusyon na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso sa korte laban sa entertainment editor na si Janice Navida at reporter na si Melba Llanera, kapwa ng Bulgar.
Inirekomenda rin ni Assistant City Prosecutor Jerome Christopher Feria ang pagsasampa ng kasong cyber libel kay Navida.
Pinayagan namang maglagak ng piyansang P30,000 ang dalawang kinasuhan ng libel habang karagdagang P48,000 piyansa ang inirekomenda para sa cyber libel ni Navida.
“There was a finding of probable cause justifying a well-founded belief that the crime of libel and cyber libel have been committed wherein both Ms. Navida and Ms. Llanera are liable,” ani Alonso sa Instagram.
“As a staunch advocate of women’s rights and responsible journalism, Ms. Gray welcomes this favorable news. She remains firm against abusive media practices and would not waiver in championing causes that would bring about justice and accountability,” dagdag ng abogado.
Noong Hulyo ay humingi ng public apology at P10 milyon danyos si Gray makaraang isapubliko ng Bulgar ang pekeng nude picture ng beauty queen sa kanilang FB page.
Humingi rin siya ng tulong sa National Bureau of Investigation para matukoy ang nasa likod ng pekeng larawan. –A. Mae Rodriguez