Robin Padilla kinakapos sa pera?

RAMDAM daw ni Robin Padilla ang kalbaryong dinadanas ng mga ordinaryong Pilipino dahil maging ang kanyang pamilya ay kinukulang na rin sa panggastos.


Sa Instagram, isiniwalat ni Padilla na nagalaw na umano niya at ng asawang si Mariel Rodriguez ang itinatabi nilang pera para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.


“Hindi lamang po kayo ang hirap pati po kami sa aming tirahan ay masikip na masikip na ang sinturon sa pagtitipid,” sabi ng aktor.


“Ang mga savings ay naghihingalo na kaya’t pati ang nakalaan para sa edukasyon ng mga bata ay nagalaw na pero patuloy pa rin naming itinatawid ang mga taong nasa pakpak namin, hangga’t maaari ayaw namin sila maghirap kaya’t ang aming mga sueldo ay diretso na sa kanila,” dagdag niya.


Sinabi ni Padilla na upang makatulong sa araw-araw na gastusin ay nagsimula nang magnegosyo ang kanyang misis.


“Ang asawa ko ay nagnegosyo na rin para makatulong sa aming mga panggastos halos wala ng tulog sa kakaalaga sa pamilya niya at sa pag-aayos ng karne niya pero kinakailangan niya kumilos,” dagdag ni Padilla.