KUHANG-kuha ng indie actress na si Mercedes Cabral ang inis ng publiko sa pagganap niya bilang “pambansang kabit” na si “Lena” sa action-serye ng ABS-CBN na “FPJ’s Batang Quiapo.”
Sa isang panayam, isiniwalat ni Mercedes na tambak na hate comments ang natatanggap niya sa social media simula nang gampanan niya ang papel ng “other woman” ni Rigor, ang role ni John Estrada sa nasabing teleserye.
“May mga tao na pinepersonal na ako. Hindi na Lena ‘yung tawag sa ‘kin or sinasabi, kung hindi Mercedes Cabral na. So, ako na mismo tinitira. But mostly sa messages ito,” aniya.
May pagkakataon din na kinumpronta siya nang personal ng fan ng show.
“In person naman ‘pag may mga nakaka-recognize sa ‘kin, they say things like ‘gusto kita sampalin kasi kuhang-kuha mo yung inis ko’,” dagdag niya.
Hindi naman bothered si Mercedes sa mga komento ng fans. “Although sometimes, naapektuhan ako sa mga sinasabi ng tao, siyempre tao lang din naman ako, iniisip ko na lang na ang importante nagagawa ko nang maayos trabaho ko,” paliwanag niya.
Naniniwala rin ang aktres na papuri sa kanyang pag-arte ang reaksyon na ito ng mga manonood.
“Ibig sabihin, nagagawa ko nang maayos ‘yung trabaho ko. Nagagawa ko nang maayos ‘yung assigned character sa akin,” sambit ni Mercedes.
“As an actor, it’s your job to give life to a character in a story. At kailangan ‘yung mga characters na tulad ni Lena sa istorya. Sila kasi nagbibigay ng conflict sa story e,” dagdag ni Mercedes.