HUMINGI ng paumanhin si Pokwang kina Immigration Commissioner Norman Tansingco at Justice Secretary Boying Remulla makaraang ihayag na kaya hindi pa mapa-deport ang ex-live in partner na si Lee O’Brian ay dahil may “kapit” ito sa pamahalaan.
Sa statement na inilathala niya sa kanyang Instagram account, sinabi ni Pokwang na napag-alaman niya na naghain ng Motion for Reconsideration si Lee noong December 28, 2023 kaugnay sa deportation order ng Bureau of Immigration, na nasa ilalim ng Department of Justice.
At nito lang din niya nalaman na naghain ng Motion for Voluntary Deportation si Lee noong nakaraang January 10.
“Una po sa lahat, nais ko po sanang magpasalamat sa Bureau of Immigration para sa kanilang mabilis at patas na resolusyon sa aking petisyon na maipadeport si William Lee O’Brian. Masaya ako at ang aking mga anak sa naging desisyon ng BI,” aniya.
Pero dahil hindi agad napatalsik ng bansa ang dating partner ay sinabi ni Pokwang na may padrino ito sa BI.
“Aaminin ko na napakahirap ang pinagdadaanan kong ito – may mga araw na napangungunahan ako ng inis at galit. Frustrated ako dahil gusto ko nang mapaalis si Lee sa ating bansa sa lalong madaling panahon,” sabi niya.
“Naging mabigat ang aking saloobin mula ng nagkaproblema kami ni Lee, at nagpatuloy pa ito kahit nanalo na kami sa deportation case laban sa kanya. Dahil na din siguro ito sa mga limitasyon ko bilang tao, bilang solo parent na nagtataguyod sa aking pamilya. Valid man itong aking mga nararamdaman, hindi ito sapat na dahilan para makapagsabi ako ng mga masakit at walang basehan na bagay sa aking kapwa, partikular sa ating mga kasamahan sa BI,” paliwanag niya.
Bunsod nito, humingi ng paumanhin si Pokwang ng paumanhin kina Tansingco at Remulla.
“Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingco at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ. Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin, ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya,” sabi niya.
“Humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitawang salita. Patawad po, at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pagunawa at panalangin,” dagdag ng komedyana.