GUMAWA umano ng eksena si Presidential Adviser for Creative Communications Paul Soriano sa presscon ng Hollywood actress na si Vanessa Hudgens.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo, ipinatigil daw ni Soriano ang mga one-on-one interview kay Hudgens makaraang makapanayam na ng ABS-CBN, GMA7 at TV5 ang aktres.
Sinabi pa ng Bilyonaryo na inutusan ni Soriano ang PR team na nag-ayos ng serye ng mga panayam na wala nang ibang magi-interview kay Hudgens.
“That’s the last one!” ayon umano kay Soriano.
Umapela naman ang ilang reporters na nakapila, kabilang si Christine Jacob ng CNN, pero hindi umano natinag si Soriano.
“Get the press out of here. I don’t need them. They’re so useless,” sabi umano nito, ayon sa Bilyonaryo.
Napag-alaman ng Bilyonaryo na ipinatigil ni Soriano ang mga panayam dahil gusto nito na ang asawang si Toni Gonzaga na ang mag-interview kay Hudgens para sa YouTube vlog nito na Toni Talks.
Iniulat naman ng Bilyonaryo na ang event ay pribado dahil mismong si Soriano ang gumastos para dalhin sa Pilipinas si Hudgens.
Samantala, ilang taga-press ang dinepensahan si Soriano at sinabing hindi nanigaw ang direktor.
Hindi rin daw niya pinalayas ang media bagkus ay “feeling frustrated” lang daw ito dahil may ilang eksena pa silang kailangang tapusin para sa travel documentary ni Hudgens.
Idinagdag nila na kalmado si Soriano nang sabihin nito na kailangang itigil na ang interview dahil may kailangan silang sundin na schedule ni Hudgens.
Sinabihan na raw ng manager ni Hudgens si Soriano ukol sa iba pang schedule ng Hollywood star.
Itinanggi rin nila na “ipinagdamot” ni Soriano si Hudgens para ma-interview ni Toni.
Ayon sa mga ito, hindi pa naiinterbyu ni Toni si Vanessa. Kapapanayamin pa lang niya ito kapag bumalik ng bansa ang Fil-Am actress, na lumipad pa- US nitong Biyernes ng gabi.