SINALUBONG ng show biz writer at vlogger na si Ogie Diaz ang pagpasok ng “ber months” ng reklamo ukol sa pagtaas ng mga bilihin.
Sa kanyang on-line talk show, sinabi ni Ogie na dasal at pagtitipid na lang ang magagawa ng publiko kung gusto nilang maipagdiwang nang maayos ang Pasko.
“Siyempre tayo po ay patuloy pa rin sa pagdarasal at pagtitipid at the same time dahil pamahal po nang pamahal ang bilihin ganitong papalapit na ang Pasko,” aniya.
“Hindi na po natin maaawat ‘yan no? Nakakaloka ng taon,” dagdag ni Ogie.
Inihayag din niya na imbes umasa sa pamahalaan, kailangang magsipag ng mga Pinoy.
“’Wag natin iasa sa ibang tao, o sa gobyerno ang ating pamumuhay. Kilos-kilos pa rin tayo,” dagdag ng talent manager.