ISA ang veteran show biz columnist at talent manager na si Lolit Solis sa mga natuwa sa pangunguna sa takilya ng “Deleter” ni Nadine Lustre.
Aniya, nagulat siya na pumangalawa lang ang pelikula ni Vice Ganda sa listahan ng mga kumita sa Metro Manila Film Festival gayong ang huli ang madalas nagkakampeon sa box office.
“Katawa ang labanan na Nadine Lustre at Vice Ganda Iyon bang hindi mo akalain biglang humirit ang Deleter ni Nadine at talunin ang movie ni Vice Ganda,” sabi ni Lolit sa Instagram post.
Nagpahiwatig din siya na natalo si Vice ng isang tunay na babae.
“Para bang heto O, babae ako, tunay na babae, kaya talo ka. Hah hah, joke lang,” sey ni Lolit.
Kaugnay nito, sinabi ni Lolit na masaya siya at ganap nang “star” si Nadine.
“Gusto ko iyon pagsikat ulit ni Nadine. Ngayon dagdag na si Nadine sa makinang na star at puwede nang ilaban sa mga sinasabing star. Dahil siya talaga ang star ng festival. Mahirap pantayan ang naging resulta ng Deleter niya,” dagdag niya.
“Pero kahit hindi ko pa nakikita si Nadine Lustre type ko na siya kasi very simple ang face niya at mukha siya na natural at walang arte kasama. Gusto ko rin na parang casual na casual lang ang kilos niya at hindi magnanakaw ng eksena tulad ng ibang artista. Kaya naman sa tutoo lang, pag naging maganda mga career move ni Nadine Lustre this year, siya magiging hottest star ng 2023, bongga,” sambit pa ng kolumnista.