Mike Hanopol sa paniningil ng utang kay Pacquiao: ‘Wala itong halong politika’

IGINIIT ng Pinoy rock legend na si Mike Hanopol na walang bahid ng politika ang paniningil niya ng utang kay Sen. Manny Pacquiao.


Nitong Lunes ay nag-trending ang Facebook post ni Hanopol na inirereklamo ang hindi pagbabayad ni Pacquiao sa ginawa niyang tatlong religious songs para sa boxing champ.


Ani Hanopol sa post: “Naku… siyempre, unang-una, hindi ko alam kung sinadya niya na hindi ako bayaran o marami siyang appointment, busy masyado.”


“Sabi PacMan, gusto niya makatulong, di-importante ang pera sa kanya eh bakit ayaw mo ako bayaran, nagpagawa ka ng hebrew songs sa akin, I spend money on studio and musician ‘di mo naman ako binayaran, saan ang tulong na sinasabi mo, ‘di ka na naawa, matanda na ako niloko mo pa ako,” dagdag ni Hanopol na sinabing kailangang-kailangan niya ng pera.


“Nung in-appoint niya ako, kinomisyon niya ako na gumawa ng tatlong kanta, bumalik pa ako sa senado para magtanong, wala na siya. Hindi na siya sumisipot,” sabi pa ng rock musician na sumikat noong 1970s hanggang early 1980s.


Sa isang panayam, klinaro niya na walang politika sa ginawa niyang rebelesyon.


“Alam ko maraming nag-iisip na may halong ibang kulay, kulay-pulitika. Naku po! Wala ako niyan,” giit ni Hanopol.


Kwento niya, tatlong Hebrew songs ang ipinagawa sa kanya ni Pacquiao. Nagkita umano sila noong Setyembre 19 sa tanggapan nito sa Senado.


Dagdag niya na saksi sa pag-uusap nilang dalawa ang Jewish blogger na si Drew Binski.


Hindi naman sinabi ni Hanopol kung magkano ang eksaktong utang ni Pacquiao, pero naglalaro lang aniya ito sa P50,000.


Wala namang maisip na dahilan ang rock legend kung bakit ayaw magbayad ng utang ng boksingero.


Si Hanopol, 75, ang dating bass guitarist ng Juan de la Cruz Band. Ilan sa mga pinasikat niyang kanta as a solo artist ang “Laki sa Layaw,” “Mr.Kengkoy,” “Lagot Ka Isusumbong Kita,” at “Katawan.” –A. Mae Rodriguez