Mariel nahihiyang humingi ng pera kay Robin kaya nagnegosyo

PUMASOK sa pagnenegosyo ang TV host na si Mariel Rodriguez-Padilla para mapag-aral ang mga anak sa magandang eskwelahan.


Sa Twitter, sinabi ni Mariel na nahihiya na rin siyang humingi nang humingi ng pera sa asawang si Robin Padilla.


Sa kasalukuyan ay wala pang trabaho sa TV si Mariel, na huling napanood sa “It’s Showtime” ng Kapamilya Network.


“Nahihiya ako kay Robin. Nahihiya ako sa asawa ko na, ‘O ito ‘yung tuition fee.’ E, ito talaga ang gusto ko na doon sila (her children) mag-aral kasi meron akong dreams for them,” chika ni Mariel.


Dagdag niya na kaya siya nagnenegosyo ay para makapag-ambag para sa edukasyon ng mga anak.


Ayon pa kay Mariel, ayaw niyang makuwestiyon ng publiko kung bakit sa magandang paaralan nag-aaral ang kanyang mga anak.


“Gusto ko mayroon akong masi-share para walang kahit sinong tao ang makakapagkuwestiyon kung bakit sa ganu’n school pumapasok ang mga anak ko.”


Wala naman siyang sinabi kung saang school niya balak pag-aralin ang kanyang mga anak.


Kamakailan ay sinabi ni Robin na kinukulang na sa panggastos ang kanilang pamilya.


Isiniwalat niya na nagalaw na umano niya at ng asawang si Mariel ang itinatabi nilang pera na nakalaan sa pag-aaral ng kanilang mga anak.


“Ang mga savings ay naghihingalo na kaya’t pati ang nakalaan para sa edukasyon ng mga bata ay nagalaw na,” dagdag niya.


“Ang asawa ko ay nagnegosyo na rin para makatulong sa aming mga panggastos halos wala ng tulog sa kakaalaga sa pamilya…pero kinakailangan niya kumilos,” sabi pa ni Robin.