“CRUCIAL” ang susunod na anim na buwan para sa lagay ng kalusugan ni Kris Aquino, pero nangako siya na lalabanan ang kanyang mga iniindang sakit hanggang sa huli.
Sa programang “Fast Talk With Boy Abunda,” isiniwalat ni Kris na sisimulan na niya sa Lunes ang bagong gamot na gustong gamitin sa kanya ng mga doktor bagaman ikahihina ito ng kanyang immune system.
“[Nag-manifest din into] a diffuse scleroderma at inaatake nito ang lungs. You can get pulmonary hypertension from that,” ani Kris na ipinagdiriwang ang kanyang ika- 53 kaarawan ngayong araw.
“Meron na akong maliliit na nodules at tama dahil hirap na hirap na ang right lung. Until now, part of Churn-Strauss is that you have this persistent dry cough at nagkaroon ka ng adult onset of asthma. Right now na nag-uusap tayo, nag-sinusitis na,” dagdag niya.
Ang Churg-Strauss/EGPA ay isa sa limang autoimmune diseases ni Kris, na ngayon ay naapektuhan na ang kanyang puso.
“The muscles surrounding my heart, magang-maga sila… I could have a stroke at any time,” aniya.
Iginiit naman ni Kris na gusto pa niyang mabuhay nang matagal para sa kanyang mga anak na sina Josh at Bimby.
“I hate to say it, but I’ve always been very upfront and honest. Hinarap ko na ‘to, especially na birthday ko, pahiram na lang ‘to ng Diyos. Binigyan na ako ng bonus. Whatever days are left, it’s a blessing. But I really want to stay alive. Kailangan pa nila ako,” sambit niya.
Pero nangangamba siya na pagkatapos ng gamutan sa Lunes ay baka wala na siyang immunity.
“Pwede na akong dapuan ng kahit anong sakit and wala nang immunity,” aniya. Kaya muli siyang nagpasalamat kay Boy sa pangako nitong gagabayan sina Josh at Bimby.
“I want to take this opportunity na magpasalamat sa’yo. Nangako ka sa akin na kung ano mang mangyari, meron akong dalawang kaibigan na lilipad dito para samahan ang two boys,” wika ni Kris.
“You also promised me na kung may mabalitaan ka, sasakay ka sa eroplano to be with me and I am entrusting Bimb with you. The two will actually be going home in two weeks. Naaawa ako sa dalawang bata. Makukulong na ako sa bahay,” sabi pa niya.
Sa panayam, iginiit ni Kris na ayaw pa niyang mamatay dahil gusto pa niyang maranasan ang “next chapter” sa kanyang buhay.
“Buhay ako ngayon at tiwala ako sa dasal. Kakayanin pa ‘to. Sabi ko sa Ate ko, if something happens to me, it will show people that prayers work. Ito ang pangako ko, hindi ko kayo bibiguin. Wala sa pananaw ko sa buhay na pwedeng sumuko. Kailangang lumaban,” pagdidiin pa niya.
“No, I refuse to die. Talagang pipilitin ko because my next chapter is to become a stage mother. I’m 53 now but I still want to be here when I’m 63,” sabi pa ng Queen of All Media.