NAGTATAKA ang aktres na si Kim Chiu kung bakit palaging si Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang sumasagot sa mga isyung kinakaharap ng presidential race frontrunner.
Nag-tweet si Kim kaugnay sa pagtanggi ni Marcos na makipagdebate sa kanyang sinusuportahan na si Vice President Leni Robredo.
“Uhm curious lang po? bakit parang mas si sir spokesperson yung laging sumasagot, nakikita at humaharap? sha po ba yung tatakbo? Diba campaign period palang?” ani Kim.
Nitong Huwebes ay hinamon ni Robredo ng one-on-one debate si Marcos, pero ibinasura ito ni Rodriguez at sinabing hindi ito mangyayari kailanman.
“Maaari po na silang dalawa na parehong naghangad na maging pangulo ng republika ay magkaiba ng paniniwala hinggil sa pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mamamayan,” tugon ni Rodriguez.
Pero ipinunto ng abogado na paninira at panlilinlang lamang umano ang ginagawa ng kampo ni Robredo.
“Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos, at diretso sa taumbayan ang mga mensahe nito at ang panawagan ng pagkakaisa. Pawang negatibo, panlilinlang, at paninira naman ang sa kampo ng dilawan,” dagdag nito.
“Sa debate na hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari sa ilang kadahilanan. At batid ni Ginang Robredo ang mga kadahilanang ‘yan,” sabi pa nito.
Hirit naman ni Kim, si Marcos ang dapat sumagot sa challenge ni Robredo at hindi si Rodriguez.
“Dapat yung nag aapply yung sasagot. Just like in any other JOB APPLICATION or JOB INTERVIEW. #nobashing #justcurious,” paliwanag ng Kapamilya actress.