INANUNSYO ni actress-TV host Karla Estrada na hindi na niya ipinagbibili ang P50-million house and lot niya sa Quezon City.
Sa social media post, sinabi ni Karla na nag-update siya sa nasabing property para patigilin na ang mga haka-haka ukol sa buhay ng kanyang pamilya.
“Pasensya na at tatapusin na natin ang tungkol sa bahay ko at tigilan na ang pag post ng bahay ko, ani Karla.
“My house is not for sale anymore. Kaya sa mga panay post dyan hanggang ngayon, na mistulang pa broker na kayo, ayan na ang latest. Para updated naman ang posts ninyo.”
Partikular na pinatamaan ni Karla ang Preview.ph dahil sa paulit-ulit nitong pag-feature sa nasabing property. At dahil sa nasabing write-up ay tambak tuloy ang mga kuro-kuro ng netizens ukol sa estadong pampinansyal ng kanyang pamilya.
“Basta na pinost nyo lang sa wall nyo eh napakaluma na ho at di nyo naman trabaho na ipost yan ng paulit ulit unless broker na ang pahayagan nyo,” hirit ni Karla.
“Ok lang kung ipinagtatanggol nyo kami sa nga sawsawero’t sawsawera na walang masabing matino kse nga puro haka haka lang. Mas alam pa nila ang dahilan ng pagbebenta ko ng isa sa mga ari arian namin,” dagdag niya.
Patutsada ni Karla sa mga netizens: “Tsk tsk… dami n’yong oras magbigay ng komento sa buhay ng iba na walang kayong alam ha. Pero check nyo muna baka may mga kapamilya kayo dyan na kumakalam ang sikmura, unahin nyo yun.”
Pinunto rin ni Karla na hindi niya kailangang magpaliwanag sa publiko kung bakit niya ipinagbibili ang bahay.
“Ano ba ang dapat talaga pag nagbenta ang isang tao ng ari arian nya, ipaliwanag ang dahilan ng pagbebenta? Kasama ba sa requirements ng mga broker ang sabihin ang dahilan pag nagpapabenta ng properties namin?” sambit niya.
Klinaro naman ni Karla na hindi sila naghihirap kaya naka-for sale ang property.
“Kailangan naghihirap na sa buhay agad kaya nagbebenta ng ari arian? Medyo malayo ata sa katotohanan yun kase masisipag kami sa buhay,” giit niya.