INIHAHANDA na ng direktor at writer ng pelikulang “Katips” na si Vince Tañada ang kasong cyber libel laban sa komedyanteng pro-Marcos na si Juliana Parizcova Segovia kaugnay sa mga umano’y malisyosong post nito ukol sa pagkapanalo ng kanyang pelikula sa nakaraang FAMAS Awards.
Ayon kay Tañada, isang abogado, kailangang bigyan ng leksyon ang mga taong nagpapakalat ng maling balita.
Matatandaang nagpasaring si Juliana na humakot ng awards sa 70th FAMAS ang “Katips” dahil si Tañada ang naging direktor ng awards show noong 2021.
“Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Haahahaha!” ayon sa Facebook post ni Juliana.
Nilakipan niya ito ng screenshot ng closing credits ng 69th FAMAS noong February 2021 kung saan makikita na si Tañada ang director ng awards show.
Ayon kay Tañada, klaro na mayroon itong malicious imputation at isang paninirang-puri.
Dagdag niya, hindi niya maintindihan kung bakit nakikisawsaw si Juliana sa isyu sa pagitan ng “Katips” at sa pro-Marcos movie na “Maid in Malacañang” ni Darryl Yap.
“Itong si Juliana ay nagtataka ako, hindi naman siya kasali sa pelikulang Maid in Malacañang pero nakikialam siya at nagsasalita sa mga ganitong bagay,” ani Tañada.