John Estrada todo-deny kay Barbie Imperial

INALMAHAN ng aktor na si John Estrada ang mga chika na siya ang third party sa umano’y nagkakalabuan na relasyon nina Barbie Imperial at Richard Gutierrez.

Sa Instagram post, iginiit ni John na hindi niya kilala nang personal si Barbie kahit magkasama sila sa Kapamilya action-serye na “FPJ’s Batang Quiapo.”

“Unang Una Hindi ko alam kung Sino o Saan nag simula ang Kalokohan na to, na naglilink sa amin ni barbie,” aniya.

“Hindi ko po kilala si barbie imperial, kilala ko sya Bilang isang Artista pero hindi po sa personal na lebel,” dagdag niya.

Ayon sa aktor, huli niyang nakita ang aktres ilang taon na ang nakararaan.

“Sa talam buhay ko, minsan ko lang lang ho sya nakita sa xmas special ng abs cbn ng 2021 or 2022, at yun na ho ang huling pagkikita namin sa naalala ko,” lahad niya.

“Totoo po mag kasama kame sa Batang Quiapo pero ni minsan e HINDI kame nagkita dahil po iba ang grupo nya, unit, at direktor nya, kung sino man nag simula nito e puede ka maging komedyante,” sabi pa niya.

Sinisi naman ni John sa mga online sites sa pagpapakalat ng fake news.

“Bago nyo cguro ilabas ang isang bagay e mag research naman kayo kung merong kahit na 0.1 percent na katotohanan, yun lang po at maraming salamat,” payo niya sa mga nasa likod nito.