SUPER happy siyempre ang Army sa balitang promoted bilang corporal si Jin ng pamosong all boys group na BTS, dalawang buwan na mas maaga sa schedule matapos makatanggap ng titulong “elite soldier”.
Ito ang inanunsyo ng Weverse, ang social media platform ng banda na ginagamit nito para makipag-ugnayan sa kanilang fans.
Kasalukuyang assistant instructor si Jin sa front-line infantry division boot camp saYeoncheon, Gyeonggi Province. Si Jin ang kauna-unahang band member na pumasok sa military service noong Disyembre, at inaasahang makukumpleto niya ito sa Hunyo 12, 2024.
Sa Korea, kinakailangang magbigay serbisyo sa military ang lahat ng kalalakihan ng physically able na may edad 18 hanggang 35.
Nakatakda sana ang promotion sa corporal ni Jin sa September, ngunit napaaga ito dahil sa maganda niyang performance.
Ang titulong “elite soldier” ay ibinibigay sa mga sundalo na nag-excel sa pitong uri ng training gaya ng 3- kilometer race, shooting, first aid, vigilance, CBR training at individual combat.
Nabigyan ng titulo si Jin dahil umano sa outstanding physical performance nito at magandang pakikitungo sa mga kasamahan.