Ivana nangangambang masapak sa kalye

HINDI na “patola” ang aktres at social media star na si Ivana Alawi sa mga bashers dahil hindi na siya nagbabasa ng mga comments sa kanyang mga post.

“Dati talaga nagbabasa ako ng [comments] pero ‘yung manager ko tinuruan ako na don’t read, deadma na,” ani Ivana.

Dagdag ng “FPJ’s Batang Quiapo” actress, tanggap na rin niya na hindi lahat ng tao ay gusto siya.

“Hindi mo naman talaga maple-please lahat ng tao. That’s something that you should always keep in mind na may mga taong magugustuhan ito, may mga taong hindi,” sey niya.

“Pero tuluy-tuloy lang ako. I don’t read comments na. Kung hindi nila gusto, salamat pa rin. Kasi kung papa-control ako sa kanila, anong maiisip kong content?” sambit pa ng dalaga.

Klinaro rin niya na walang script ang kanyang mga vlogs.

“Wala kaming script. Usually kapag may content or may pinost ako, I always make sure na authentic ‘yung pino-post ko. Ang importante sa akin ay walang script. Just be yourself. Tuluy-tuloy naman siya kung anong maisip ko,” paliwanag niya.

Sa kabila ng pagiging isa sa pinaka-followed celebrities sa YouTube na mayroong 17.9 million subscribers, inamin ni Ivana na ninenerbiyos pa rin siya kapag nagba-vlog o kapag nagpa-prank ng mga tao.

“Kapag nagpra-prank ako sa kalye, kinakabahan talaga ako kasi anything can happen. Puwede akong sapakin. Kabado talaga ako every time na may ginagawa ako sa public,” sabi niya.

“Kasi kapag nagba-vlog ako sa street, wala akong kasama. ‘Yung hairstylist ko lang pero malayo siya,” sambit ni Ivana.