SUMUKO nitong Lunes ng hapon ang aktor na si Enchong Dee sa National Bureau of Investigation kaugnay sa inilabas na warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong cyber libel.
Nagtungo sa tanggapan ng NBI si Enchong upang maglagak ng piyansa na P48,000.
Agad naman siyang pinalaya matapos mag-post ng bail.
Kinumpirma ni NBI National Capital Region Director Emeterio Dongallo na lumutang nga sa kanilang tanggapan si Enchong at ang abogado nito.
“He posted bail and was released late evening after he was processed and his bail has been approved,’’ ani Dongallo.
Bago ito iniulat ng PUBLIKO na hindi umano mahagilap ng mga pulis si Enchong nang puntahan sa bahay nito sa Cubao, Quezon City kamakailan.
Isisilbi sana sa Kapamilya actor ang warrant of arrest na ipinalabas ng isang korte sa Davao Occidental nitong Enero 25.
Napag-alaman na ang address na pinuntahan ng mga pulis ay paupahan ni Enchong.
Matatandaang sinampahan ng P1 billion cyber libel case si Enchong ni Dumper Partylist Rep. Claudine Diana Bautista-Lim dahil umano sa malisyoso at mapanirang mga komento ng aktor sa Twitter account ukol sa kasal ng mambabatas sa negosyanteng si Jose Lim sa Balesin noong nakaraang taon.