IPINANUKALA ni Sen. Robin Padilla na papurihan ang mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes na nagsilbing inspirasyon ukol sa kahalagahan ng pamilya sa pamamagitan ng kanilang pelikulang “Rewind.”
“Ang salmo ng parangal at pagkilalang hinihingi sa lupon na ito ay hindi lamang sa usapin ng pagiging bagong hari at reyna ng pelikulang Pilipino ang mag-asawang Dantes, kundi ang pagiging inspirasyon ng dalawang artistang ito sa libo-libong mga kababayan natin,” ani Padilla sa kanyang Senate Resolution 909.
“Sila po ang simbolo ng makabagong pamilyang Pilipino–may pag-ibig sa Diyos, sa bayan, sa kalikasan at sa kapwa-tao kung kaya nararapat lamang po ang ating pagkilala sa kanila,” dagdag ni Padilla.
Pinarangalan din sa resolusyon ang direktor ng pelikula na si Mae Cruz-Alviar.
“This achievement is a testament to the return of a vibrant and flourishing Philippine film industry–attributed to the hard work and commitment of artists, writers, directors, and all members of the production teams,” sambit pa ni Padilla.
Nagtungo sa Senado nitong Lunes sina Marian at Dingdong para tanggapin ang kopya ng panukala.
Noong isang linggo ay pinarangalan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang “Rewind” dahil sa tagumpay nito sa box office.
Wala pang inilalabas na bagong official figures sa kinita ng pelikula ang Star Cinema pero marami ang nagsasabi na papalo na ito sa P1 bilyon.