Darryl Yap niresbakan si Arnold Clavio: Hindi ko gagawin ang ‘Paglabag kay Balabagan’

ISANG open letter ang sagot ng direktor na si Darryl Yap kay Arnold Clavio na nagpasaring ukol sa paggawa niya ng pelikula sa buhay ng namayapang aktres na si Pepsi Paloma.

Bago ang pag-alma ni Yap ay isang post ang ibinahagi ni Clavio sa kanyang social media accounts kung saan sinabi niya na nagpapakontrobersyal lang ang direktor.

Ayon kay Clavio, halatang ginagamit ang pelikula para pagtakpan ang malalaking problema ng bansa.

Idinagdag niya na mahihirapang maipalabas ang pelikula dahil paninirang puri ito sa mga kilalang personalidad gaya ni Vic Sotto.

“Dalawang Sotto ang tumatakbo sa Eleksyon 2025. Si former Senate President Tito Sotto, kapatid ni Vic at si Mayor Vico Sotto ng Pasig City, anak ni Vic kay aktres na si Connie Reyes,” aniya.

“Nagpapa-kontrobersya ang nasa likod ng pelikula at ang pag-iingay na ito ay malinaw na paghingi ng simpatiya dahil malabo itong mapayagan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na may hayagang paninirang puri o defamation. Sino ang source of information ng eksenang napanood? O ito ba ay bahagi ng isang panaginip ng mga karakter?” dagdag ni Clavio.

Pahayag pa ng batikang broadcast journalist: ‘Huwag nating kalimutan na ang Chairman at CEO ngayon ng MTRCB ay walang iba kundi si Lala Sotto-Antonio, anak ni Titosen at pamangkin ni Vic. Tandaan, sa mundong ginagalawan natin hindi dapat mawala ang respeto sa kapwa at pagiging disente. May mga norms at ethics na dapat sundan.”

Sa kanyang sulat kay Clavio na ipinost sa Facebook, sinabi ni Yap na pananabotahe sa pelikula ang ginagawa ng Kapuso personality.

“Sino ka, para pangunahan ang pamunuan ng MTRCB na harangin ang pelikulang hindi pa nararating ang kanilang tanggapan. Hindi lang pambabastos sa pinaghirapan namin—kundi maging kay MTRCB Chair Lala Sotto ang pinagsasasabi mo—sino ka, para magdesisyon para sa kanya. Pinagmumukha mo siyang may gustong pagtakpan at natatakot— Hindi ganon si Chair Lala, pinakita na niya ang kanyang pagiging patas sa maraming sitwasyon,” lahad ng direktor.

“Alam mo Igan, malinaw naman na di natin feel ang isa’t-isa, pero wag ka naman manabotahe,” dagdag ni Yap.

Hirit pa nito, wala sa plano niya na gawing pelikula ang eskandalong kinasangkutan ni Clavio ilang dekada na ang nakararaan.

‘Hindi ko naman gagawin yung ‘ANG PAGLABAG KAY BALABAGAN’ ayoko gumawa ng film tungkol sa reporter na nabuntis ang traumatized and abused na OFW na kinocover lang nya ang istorya kaya chill ka lang,” sambit ni Yap.

“Wag mo kong malecture-lecturan sa moralidad at tama o mali ha— yung ibinibintang sa akin—puro imbento. puro bunganga. yung sa’yo…may bunga,” dugtong niya.