Claudine ‘sobrang na-happy’ sa pagbabati nina Julia, Bea

ISA si Claudine Barretto sa mga natuwa sa naging interaksyon ng pamangkin na si Julia Barretto kay Bea Alonzo sa surprise tribute sa direktor na si Johnny “Mr. M” Manahan noong Sabado.

Nakunan ng video sina Julia at Bea na nag-usap at nagtawanan matapos batiin ang isa’t-isa sa party para kay Mr. M.

“Sobrang na-happy ako doon,” ani Claudine sa isang panayam.

Pahayag ni Claudine, noong una ay nag-aalala siya sa posibleng mangyari sa pagtatagpo nina Julia at Bea.

“That was what I was worried about that night. Knowing Julia, hindi iyan matapang. Hindi iyan parang ako, ayaw nga niyan umakyat ng stage. Nahihiya. Hindi ko alam, basta. Sinabi ko na hindi, sama siya sa akin,” sey niya.

Naniniwala ang aktres na naka-move on na si Bea sa kontrobersya.

“Pero knowing Bea also, alam ko wala na iyon sa kanya,” sabi niya.

Matatandaan na noong 2019 nagkaroon ng isyu sa pagitan nina Julia at Bea dahil kay Gerald Anderson.

Naging mainit na balita ang breakup nina Bea at Gerald makaraang isiwalat ng aktres na na-ghost siya ng aktor.

Itinanggi naman ni Julia na siya ang dahilan ng hiwalayan.

Noong 2021 ay isinapubliko nina Julia at Gerald ang kanilang relasyon.