NAGHAIN ng mga reklamong cyber libel at unjust vexation ang Pinoy boy group na BGYO laban sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media.
Ayon sa grupo, pursigido silang papanagutin sa batas ang mga indibidwal na gumagawa ng malisyosong kuwento at pekeng balita ukol sa kanila.
Nitong Miyerkules ay personal na dumulog ang members ng BGYO na sina Gelo, Akira, JL, Mikki at Nate sa Quezon City Prosecutor’s Office upang magsampa ng reklamo.
Anila, kailangan na nilang gumawa ng aksyon para matigil na ang cyberbullying. Ilan sa mga isyung ipinupukol sa grupo ang “cheating, bullying and drug use.”
Noong Abril ay inanunsyo ng Star Magic, ang talent management ng grupo, na gagawa sila ng hakbang “against … emboldened bashers who circulate unfounded rumors.”
Sinabi ng legal counsel ng Star Magic na si Atty. Joji Alonso na nangangalap na sila ng ebidensya laban sa mga naninira sa grupo.
“Filing of criminal cases will be set in motion. Again, we remind the public that it is not only crucial to call out acts of bashing and cyberbullying, but to show kindness and accord everyone due respect, both online and in real life,” ani Alonso.