NAGPUNTA sa tanggapan ng public service program na Bitag si Rendon Labador para humingi ng tawad sa kanyang mga deklarasyon at hindi para makipag-collaborate para sa content, ayon sa host na si Ben Tulfo.
Sa Facebook video, sinabi ni Tulfo na pinatawad niya ang motivational speaker at restaurateur.
“Maayos na pumunta sa aking tanggapan si Rendon Labador. Nagpakumbaba at humingi ng tawad. Marunong akong makipagsabayan sa bardagulan at panduduro. Subalit oras na tinanggap ang pagkakamali at humingi ng paumanhin, marapat lang patawarin,” aniya.
“Kapag ang isang tao nagpakumbaba, Wala kaming problema dyan, kundi intindihin,” dagdag ni Tulfo. Kapag ang isang tao, humihingi ng paumanhin, ‘pag humingi ng patawad sa pagkakamali, wala po kaming iba, kundi patawarin.”
Sinabi ni Tulfo na naramdaman niya na sinsero si Rendon sa paghingi nito ng dispensa.
“Kami po simple lang, lahat po tayo nagkakamali, wala pong perperkto, lahat po may puwang po lagi para dun sa mga taong nagkakamali ‘pag nalaman po nila na may pagkakamali silang nagawa at lumapit at nagpakumbaba, humingi ng dispensa, humingi ng sorry tulad po ni Rendon, e pinatawad ko na po,” paliwanag pa niya.
Idinagdag niya na gaya ng mga kapatid na sina columnist Ramon Tulfo, Sen. Raffy Tulfo, at dating Social Welfare Sec. Erwin Tulfo, madali siyang magpatawad.
“Wala naman pong problema sa amin, lahat naman po nagagampanan namin, pero pagpapatawad, likas po kami dyan, kaming mga Tulfo,” giit pa ng host.