IBINIGAY ni Bea Alonzo sa mga panauhin ng “Eat Bulaga” ang napanalunan niyang P50,000 na premyo sa segment nito na “Bawal Judgmental.”
Napag-alaman na naging ulila noong sila ay mga bata pa ang mga guest sa nasabing segment na sina Lovely, Rafael, Paolo, at Jandi.
Nahulaan nang tama ni Bea kung sino sa apat ang ulilang lubos kaya hindi nabawasan ang kanyang cash prize. Inanunsyo naman niya na ibibigay niya sa apat ang premyo.
“Ang bigat pero I have to say very inspiring din kasi sa kabila ng lahat ng mga pinagdaanan n’yo, napakatapang at napaka-strong ninyong mga tao,” aniya makaraang marinig ang kuwento ng mga ito.
“Kahit na andami n’yong pinagdaanan, ang dami n’yong challenges sa buhay ninyo, nakikita ko that you guys are kind,” dagdag niya. “Alam ko na talagang inaalagaan n’yo ‘yung mga kapatid n’yo at mga mahal n’yo sa buhay na natitira.”