HINDI sinagot ng batikang broadcast journalist na si Arnold Clavio ang ginawang paghahalungkat sa kanyang nakaraan ng direktor na si Darryl Yap dahil abala siya sa paggo-golf.
Sa Instagram, ibinida ni Clavio na bukod sa paglalaro ng golf ay wine tasting at paggala sa Canada ang inaatupag niya.
“Ehem: Focus. 2025. Enjoy life,” aniya sa isa sa kanyang mga post.
Sa hiwalay na post, kung saan makikita na naggo-golf siya, ay halos ganito rin ang mensahe niya.
“Ehem: First palo sa 2025. Hanggang doon na lang ang kuwento ko…Enjoy life,” sabi niya.
Nitong Sabado ay iniulat ng PUBLIKO ang sagot ni Yap sa patutsada ni Clavio ukol sa pelikula ng direktor na tumatalakay sa buhay ng dating aktres na si Pepsi Paloma.
Maanghang na pahayag ni Yap: “Alam mo Igan, malinaw naman na di natin feel ang isa’t-isa, pero wag ka naman manabotahe. Hindi ko naman gagawin yung ‘ANG PAGLABAG KAY BALABAGAN’ ayoko gumawa ng film tungkol sa reporter na nabuntis ang traumatized and abused na OFW na kinocover lang nya ang istorya kaya chill ka lang.”
“Wag mo kong malecture-lecturan sa moralidad at tama o mali ha— yung ibinibintang sa akin—puro imbento. puro bunganga. yung sa’yo…may bunga,” mensahe pa ni Yap kay Clavio.